Ulat ni MITCH C. SANTOS

SUBIC BAY FREEPORT– Nagdulot ng agam-agam sa beach resort operator at ilang bumibisitang turista ang nakitang lumulutang na hindi pa matukoy na dumi na may masangsang na amoy sa All Hands Beach Subic nitong Linggo ng umaga, July 19, 2026.

Nangangamba sila na posibleng may panganib na dala sa kalusugan ang nasabing misteryosong likido.

Naging dahilan din umano ang nasabing insidente upang ang ilang panauhin ang nagkansela ng kanilang booking, habang ang iba ay agad na umalis at hindi na itinuloy ang kanilang nakatakdang mga aktibidad sa nasabing beach resort.

Sa  panayam ng Ang Pahayagan kay Lotgarda Cortez, Finance Officer ng All Hands Beach, ilan sa kanilang mga bisita ang nagreklamo at nagpa-refund ng kanilang ibinayad sa resort dahil sa nakitang lumulutang na dumi sa dagat.

“Mabaho po talaga sobra, parang likido na di mo mawari at parang nabubulok na kasi. May mga maggots  na kulay puti na makikitang palutang- lutang rin kaya nakakadismaya talaga para sa isang nagbabakasyon,” pahayag ni Cortez.

Bunsod ng naturang kaganapan, agad na nanawagan ang resort operator sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) upang imbestigahan ang insidente at matukoy ang pinagmulan ng nasabing dumi.

Napag-alaman sa inisyal pahayag ng mga rumespondeng kinatawan mula sa SBMA Law Enforcement at Ecology Center na ang lumulutang na likido ay maaari umanong katas ng soya beans.

“Sabi po ay parang “soya” daw yung materyal o likidong nakikitang lumulutang sa dalampasigan,” saad ni Cortez.

Napag-alaman pa na lumalabas ang misteryosong likido mula sa drainage outlet,  base sa naidukomentong litrato ng mga staff ng beach resort.

Ngayong araw ng Martes, Hulyo 21, ay inaasahang  maglalabas umano ng opisyal na investigation report ng SBMA LED, ayon sa resort operator. 

Larawan mula sa All Hands Beach Resort

Leave a comment

Trending