SUBIC, Zambales– Inilahad ng isang lider ng tribong Ambala Aeta sa Barangay Naugsol ang aniya’y naging kadahilanan kung papaanong nagkaroong ng tambak ng basura sa loob ng deklaradong ancestral domain sa bahagi ng Sitio Tibag ng naturang lugar.
Sa isang media briefing nitong Linggo, Hulyo 19, nilinaw ng kasalukuyang tribal chieftain na si Francis Santos sa Sitio Alibang na may tatlong taon nang sarado ang kontrobersyal na dumpsite sa lugar.
Kwento niya, Marso 2020 nang pakiusapan silang mga “elders” ng tribo ng Lokal na Pamahalaan ng Subic na sa kanilang lugar muna pansamantalang ilalagay ang mga basura sa kadalihanang ipinagbabawal ang pagbiyahe dahil sa Covid pandemic.
“Pinaki-usapan po noon yung may-ari ng lupa at ang buong elders na pansamantala lang po ilalagay doon yung basura, dahil hindi makabiyahe,” ani Santos.
Dahilan sa malayo naman, na humigit-kumulang dalawang kilometro sa kanilang komunidad ay napapayag ang tribu para sa ipinakiki-usap na dumpsite.

📸 Humarap sa isang pulong-balitaan ang ilang myembro ng konseho ng mga katutubo ng Sitio Alibang sa pangunguna ni Francis Santos (nakadilaw), pinuno ng tribong Ambala sa Naugsol Subic.
Dagdag pa rito aniya na napakahirap hindi pagbigyan ng kahilingan ng LGU sa dahilang napakamatulungin naman ni Mayor Khonghun sa mga pangangailangan ng kanyang mga katribo.
Ipinaliwanag pa niya na ang dating dumpsite ay nasa loob ng apat na ektaryang pribadong lupain na pagmamay-ari ng pamilyang Tenoria, at hindi sa lugar kung saan naninirahan ang mga miyembro ng tribo.
Taong 2024 nang ipag-utos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang pagpasara ng naturang dumpsite kung saan mahigpit na itong binantayan upang matiyak wala nang magaganap na pagtatapon ng basura sa lugar.
Ang labis umano nilang ikinagulat ang lumabas ang ulat sa programa sa telebisyon kung saan isang kapwa opisyal ng tribo ang kinapanayam nang hindi muna kumukonsulta sa konseho ng tribo.
Giit niya na hindi muna kinuhanan ng panig ang iba pang mga lider ng tribo at mga kasapi ng Council of Elders bago ipalabas ang ulat.
“Ang ibig po namin sabihin sana, nakipag-ugnayan muna po sana siya sa amin. Kung ano naman po yung sasabihin niya, pwede naman po namin muna pag-usap-usapan,” ani Santos.
Ang tribong Ambala, na binubuo ng humigit-kumulang 500 pamilya ng katutubong Aeta sa Barangay Naugsol, Subic. (Ulat at mga larawan ni Jun M. Dumaguing para sa Ang Pahayagan)





Leave a comment