SUBIC, Zambales — Isusulong muli sa Sangguniang Bayan ng Subic ang usapin ng pagpapatupad ng Republic Act No. 8371 o Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 (IPRA), partikular ang pagkakaroon ng Indigenous Peoples’ Mandatory Representative (IPMR) sa mga lokal na decision-making bodies.
Sa pahayag ni Subic Councilor Sherill “She” Gutierrez, sinabi nito na balak niyang talakayin sa susunod na privilege speech ang kahalagahan ng pagpapatupad ng naturang batas. Ang tribal communities sa bayan ng Subic ay nararapat aniya na mabigyan ng kinatawan sa lokal na pamahalaan alinsunod sa itinakda ng IPRA.
Ipinaliwanag niya na sa ilalim ng batas, ang mga lokal na pamahalaan na may kinikilalang indigenous peoples ay dapat magkaroon ng IPMR upang matiyak ang representasyon ng mga katutubo sa mga usaping may kinalaman sa pamamahala at pagdedesisyon.
Gayunman, may nauna nang inihain sa konseho na panukala ngunit hindi ito naaprubahan. Aniya, ibinasura ito ng mayorya ng konseho dahil sa paniniwalang wala umanong lehitimong indigenous tribe sa bayan ng Subic, ani pa ng konsehala.
Ayon naman kay Jorge Calubhay, isang katutubong lider sa bayan ng Subic na muling nag-uusap ang mga tribal leaders upang muling isulong ang kahilingan para sa IPMR.
Muling nabuksan umano ang usapin dahil sa isyu ng pagtatapon ng basura sa Sitio Tibag, Naugsol na sinasabing bahagi ng ancestral domain ng mga katutubo.
Nabatid na taong 2016 nang sumulat sila kasama ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) na magkaroon ng representante ang mga katutubo sa konseho suballit ito ay tinanggihan dahilan sa kakulangan ng pag-endorso mula sa Provincial Government.
“Mas mainam na umpisahan na uli namin ang kampanya dito sa lokal na pamahalaan at isusunod na din ang sa probinsiyal,” ani Calubhay.
Nasa 3,000 ang bilang ng mga katutubo sa Subic na nasa limang pamayanan ng Batiawan, Gala, Cawag, Wea at Naugsol.
Sa kabila nito, nananatili silang determinado na muling isulong ang usapin at hikayatin ang mas malalim na pagtalakay sa pagpapatupad ng IPRA sa bayan upang matiyak ang pagkilala at representasyon ng mga katutubong komunidad, kung mayroon, alinsunod sa umiiral na batas. (Ang Pahayagan Reportorial Team)





Leave a comment