Ang Pahayagan

150 Bakawan Itinanim sa Mangrove Rehabilitation Activity sa Valenzuela

VALENZUELA CITY — Umabot sa 150 propagules ng mga katutubong uri ng bakawan ang naitanim sa isinagawang sabayang mangrove planting activity sa Barangay Tagalag at Barangay Coloong bilang bahagi ng mga hakbang para sa pangangalaga at rehabilitasyon ng natitirang coastal ecosystem sa Metro Manila.

Pinangunahan ng Department of Environment and Natural Resources–National Capital Region (DENR-NCR), sa pamamagitan ng Coastal Resources and Foreshore Management Section (CRFMS) ang aktibidad.

Mahigit 170 boluntaryo, kabilang ang mga kabataan mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod, ang nakiisa sa pagtatanim ng mga bakawan sa mga baybaying lugar ng Valenzuela.

Sa ilalim ng technical assistance ng CRFMS, naitanim ang 20 propagules ng Bakauan Babae (Rhizophora mucronata) sa Barangay Tagalag. Samantala, 80 propagules ng Bakauan Bato (Rhizophora stylosa) at 50 propagules ng Pototan (Bruguiera gymnorrhiza) ang naitanim sa Barangay Coloong.

Ayon sa mga technical personnel ng CRFMS, pinili ang mga uri ng bakawan batay sa kondisyon ng lupa at tubig sa mga lugar upang mapataas ang survival rate ng mga punla at mapalakas ang rehabilitasyon ng coastal ecosystem.

Sinabi ng DENR-NCR na mahalaga ang mga bakawan dahil nagsisilbi itong natural na proteksiyon laban sa storm surge, coastal erosion, at pagbaha. Nagsisilbi rin itong breeding at nursery grounds ng iba’t ibang uri ng isda at iba pang yamang-dagat na mahalaga sa kabuhayan at food security ng mga komunidad sa baybayin.

Patuloy namang hinihikayat ng ahensya ang publiko, lalo na ang kabataan, na makilahok sa mga programang pangkalikasan gaya ng mangrove rehabilitation, coastal cleanup, at iba pang conservation initiatives upang makatulong sa pangangalaga ng mga baybayin at likas na yaman sa harap ng mga hamon ng climate change at urbanisasyon.

📸 DENR NCR

Leave a comment