Ang Pahayagan

West Philippine Sea at Pambansang Soberanya, Sentro ng Media Forum sa Zambales

PALAUIG, Zambales — Pinalakas ng 69th Infantry (Cougar) Battalion ng Philippine Army ang pakikipag-ugnayan nito sa media sa isang forum na nakatuon sa pagpapalawak ng kamalayan ng publiko tungkol sa West Philippine Sea, pambansang soberanya, at territorial defense na ginanap noong Hunyo 10 sa kanilang himpilan sa Barangay Bulawin, Palauig, Zambales.

Dinaluhan ng mga opisyal mula sa Philippine Army, Philippine Coast Guard, at mga kinatawan ng iba’t ibang media organizations, layunin ng pagtitipon na palakasin ang koordinasyon sa pagpapalaganap ng tama, napapanahon, at responsableng impormasyon hinggil sa territorial defense, pambansang seguridad, at mga programang pangkomunidad.

Sa temang “Strengthening Media Partnership in Territorial Defense and Community Programs,” tinalakay sa forum ang mahalagang papel ng media sa pagbibigay ng wastong impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng tradisyonal at digital na mga plataporma, kabilang ang social media.

Isa sa mga pangunahing paksa ng forum ang nalalapit na Lakad ng Pagdiriwang 2026, na bahagi ng paggunita sa ika-10 anibersaryo ng makasaysayang 2016 Arbitral Award na kumilala sa mga karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa ilalim ng international law.

Ipinaliwanag ni LTC Mark Anthony B. Ruelos LTC INF (GSC) PA Commanding Officer ang kahalagahan ng paggunita bilang simbolo ng pagkakaisa ng mga Pilipino sa pagtatanggol ng pambansang interes, kapayapaan, at soberanya. Tinalakay rin ang papel ng mamamayan at ng kabataan sa pagpapalawak ng kamalayan tungkol sa mga usaping may kinalaman sa West Philippine Sea.

Naging bahagi rin ng talakayan ang mga pinakahuling usapin kaugnay ng natuklasang floating structure sa Bajo de Masinloc. Ayon sa mga opisyal, patuloy na mino-monitor ng pamahalaan ang naturang istruktura upang matukoy ang eksaktong kalikasan, layunin, at posibleng implikasyon nito sa seguridad at pambansang interes ng bansa.

Binigyang-diin din sa forum ang kahalagahan ng responsable at makatarungang pamamahayag sa pagtalakay ng mga sensitibong isyu na may kinalaman sa soberanya at internasyonal na usapin. Ayon sa mga kalahok, mahalaga ang pakikipagtulungan ng media upang matiyak na ang publiko ay nakatatanggap ng tumpak na impormasyon at hindi nalilinlang ng maling balita o impormasyon.

Sa kabuuan, nagsilbing mahalagang plataporma ang media forum upang higit pang mapatatag ang komunikasyon at ugnayan sa pagitan ng militar, media, at publiko, habang sama-samang isinusulong ang kamalayan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan. /Marti Dumaguing

Leave a comment