OLONGAPO CITY–Ipinagdiwang ng KALAYAAN Grameen Microfinance Inc. (KGMI) ang kanilang ika-35 anibersaryo noong Biyerner, Hunyo 5, 2026 sa Columban College Gymnasium sa Barangay Barretto, Olongapo City.
Sa temang “Going Beyond Numbers,” nagbigay ng welcome remarks si Ms. Josephine Elizalde, committee head, habang naghatid naman ng motivational message si Mr. Marlou Concepcion, Pangulo ng KGMI.
“Ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa dami ng kayamanan, kapangyarihan, o serbisyo, kundi sa pagkakaroon ng malinaw na layunin sa buhay at tapat na paglilingkod sa kapwa. Ipinapakita nito na ang kahulugan ng buhay ay matatagpuan sa kabutihan, pagmamahal, at pagtulong sa iba bilang pagpapakita ng pagmamahal sa Diyos,” saad ni Concepcion.
Nagbigay rin ng inspirational message si Dr. Ricardo S. Reyes Jr., Chairman ng Board of Trustees.
Binigyang-pugay sa programa ang mga natatanging kasapi, stakeholder, at mga independent member ng Board of Trustees bilang pagkilala sa kanilang mahalagang ambag sa paglago at tagumpay ng organisasyon sa nakalipas na tatlo at kalahating dekada.

Matapos ang tanghalian, naging tampok ang Festival Dance Contest, kung saan ipinakita ng mga kalahok ang kanilang talento at sigla.
Nagsagawa rin ng raffle draws na nagbigay ng kasiyahan sa mga dumalo. Iginawad ang titulo ng Festival Queen at kinilala ang mga nagwagi sa paligsahan bago ang pormal na pagtatapos ng programa.
Ayon sa KGMI, ang pagdiriwang ay hindi lamang paggunita sa kanilang 35 taong serbisyo kundi pagpapatibay rin ng kanilang adhikaing magbigay ng pag-asa, oportunidad, at pag-unlad sa kanilang mga miyembro at komunidad.

Sa pagtatapos ng programa, muling pinagtibay ng KGMI ang kanilang pangakong magpatuloy sa paglilingkod at pag-abot ng mas marami pang tagumpay sa mga susunod na taon. (Ulat at larawan ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)


Leave a comment