Ang Pahayagan

DALAWANG DRUG SUSPECT, TIMBOG SA BUY-BUST OPERATIONS, MAHIGIT ₱73K HALAGANG SHABU NASAMSAM

OLONGAPO CITY – Dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operations na ikinasa ng Olongapo City Police Office (OCPO) noong gabi ng Hunyo 5, kung saan mahigit ₱73,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga awtoridad.

Unang naaresto si alyas “Tisoy,” 52 taong gulang at kabilang umano sa watchlist ng pulisya bilang Street Level Individual (SLI), sa isinagawang operasyon ng Police Station 1 Drug Enforcement Unit (SPDEU) dakong alas-9:05 ng gabi sa Afable Street, Barangay East Bajac-Bajac.

Nakumpiska mula sa kanya ang apat na heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 5.87 gramo at tinatayang Standard Drug Price na ₱39,916. Narekober din ng mga operatiba ang isang ₱200 bill na ginamit bilang marked money.

Samantala, dakong alas-11:50 naman ng gabi, naaresto si alyas “Louie” sa ikinasang buy-bust operation ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), katuwang ang Police Station 2 Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa kahabaan ng Gil Street, Barangay New Banicain.

Nakumpiska mula sa suspek ang apat na heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang limang gramo at tinatayang may Standard Drug Price na ₱34,000.

Narekober din ang ₱500 buy-bust money na ginamit sa transaksyon.

Ayon sa OCPO, isinagawa ang mga operasyon bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga sa lungsod.

Dinala ang dalawang suspek at ang mga nakuhang ebidensya sa kani-kanilang himpilan para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Patuloy namang pinaiigting ng Olongapo City Police Office ang kanilang anti-illegal drug operations upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga mamamayan sa lungsod.  (Ulat ni Mitch C. Santos)

Leave a comment