Ang Pahayagan

PAGLAYA 2026 ECO-ART FESTIVAL, TAMPOK ANG SINING AT PANGANGALAGA SA KALIKASAN

Ni: MITCH C. SANTOS

OLONGAPO CITY — Pormal na binuksan nitong Biyernes, Hunyo 5 ang PAGLAYA 2026: Breaking Chains, Breathing Life, isang eco-art festival na inorganisa ng I-Pilipino na naglalayong pagsamahin ang sining, kultura, at adbokasiya para sa pangangalaga ng kalikasan.

Sinimulan ang programa sa isang invocation sa pamamagitan ng pagbasa ng akdang isinulat ni Monette F. Cruz na pinamagatang “Sa Sinapupunan ng Laya: Katarungan at Kapayapaan,” na binigyang-buhay ni Paul Gillesania. Sinundan ito ng pag-awit ng Pambansang Awit at pambungad na pananalita mula kay Cruz, CEO at Founder ng I-Pilipino.

Nagbahagi rin ng kanilang pananaw hinggil sa temang “Paglaya” ang mga panauhing pandangal, kabilang sina Ms. Shiela Fulton, Officer-in-Charge ng Olongapo City Library; retired Judge Raymond C. Viray, na tinalakay ang paghahambing ng mga environmental action sa Pilipinas at Singapore; Atty. Gerry R. Grudge; Prof. Chrysler Ann V. Ganado; at Ms. Evangeline Bulda ng Department of Trade and Industry (DTI).

Ayon kay Bulda, nagsanib-puwersa ang DTI at I-Pilipino upang suportahan ang iba’t ibang art activities, exhibits, festivals, bazaars, at iba pang programang nagtataguyod ng sining at pagkamalikhain.

Batay sa inilabas na programa, nagsimula ang festival sa pamamagitan ng The Gathering & Sensory Reception alas-5:00 ng hapon, na sinundan ng Unshackling the Light, isang simbolikong opening ritual.

Naging keynote speaker si Ms. Jen Velarmino Van der Heijde, na nagbahagi ng kanyang pananaw tungkol sa mahalagang papel ng sining sa pagpapalawak ng kamalayang pangkalikasan at pagpapaunlad ng komunidad.

Nagbigay rin ng espesyal na pagtatanghal si Jesse Dagsil Badua, Tawag ng Tanghalan Season 2 Luzon Contender noong 2017 at kasapi ng I-Pilipino.

Kabilang sa mga dumalo sa pagbubukas ng festival sina Miss Philippine Earth 2013 Angeline Delos Reyes at aktor na si Joseph Estevez, na kabilang sa mga paparangalan sa Philippine Pride Awards 2026 bilang recipient ng Excellence Award for Outstanding Performance by a Filipino in an International Film.

Isa sa mga tampok na bahagi ng programa ang ribbon-cutting ceremony at simbolikong pagbubukas ng padlock bilang representasyon ng pagpapalaya sa mga alagad ng sining mula sa mga tanikala ng limitasyon at pagsupil sa malikhaing pagpapahayag.

Pormal ding inilunsad alas-6:00 ng gabi ang The Curator’s Promenade, isang guided tour na nagbigay ng mas malalim na pag-unawa sa mga likhang-sining at instalasyong tampok sa festival.

Nagkaroon din ng pagkakataon ang mga bisita na mag-sponsor o makakuha ng piling art installations, kung saan bahagi ng malilikom na pondo ay ilalaan sa mga planong Eco-Baras Upcycling Workshops para sa kabataan.

Ayon sa mga organizer, humigit-kumulang 80 porsiyento ng mga likhang-sining at materyales na ginamit sa festival ay mula sa mga repurposed at upcycled materials. Maging ang disenyo ng backdrop stage ay pinagtulungang likhain ng mga artist ng I-Pilipino at ng kanilang partner na Artist3.

Inilarawan ng mga organizer ang PAGLAYA 2026 bilang isang pagdiriwang ng kalayaan, pagkamalikhain, at pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng makabuluhang pakikilahok ng mga artista at mamamayan.

Ayon kay Monette F. Cruz, itinatag ang I-Pilipino sa paniniwalang ang pagkakakilanlan ng Pilipino ay hindi lamang bahagi ng nakaraan kundi isang buhay na puwersang may kakayahang humubog ng mas mabuting kinabukasan.

“Ang ‘I’ ay kumakatawan sa Ako, ngunit tumutukoy rin sa Inobasyon, Integridad, at Inspirasyon—isang paalala na ang pagbabago ng bayan ay nagsisimula sa pagkilos ng bawat isa,” ani Cruz.

Leave a comment