Ang Pahayagan

Mahigit 100 Mangingisda Nakinabang sa Medical Mission

CANDELARIA, Zambales — Mahigit 100 mangingisda ang nakinabang sa isinagawang medical mission, pamamahagi ng food packs, at libreng gupit ng GMA Kapuso Foundation, Inc. sa Municipal Covered Court ng Barangay Poblacion, Candelaria, Zambales bilang bahagi ng paghahanda sa pagdiriwang ng Father’s Day.

Isinagawa ang aktibidad sa ilalim ng Prostate Cancer Awareness Program at Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation katuwang ang 69th Infantry (COUGAR) Battalion ng Philippine Army, Local Government Unit ng Candelaria, Saint Pio’s Medical Center, Inc., Singapore Diagnostic, at iba pang partner agencies.

Pinangunahan ni Mr. Aron Paul Calma, project coordinator ng GMA Kapuso Foundation, ang programa na layong maghatid ng serbisyong pangkalusugan at iba pang tulong sa mga komunidad na nangangailangan.

Nagbigay ang Saint Pio’s Medical Center at Singapore Diagnostic ng libreng konsultasyong medikal at iba pang serbisyong pangkalusugan para sa mga benepisyaryo, habang tumulong naman ang LGU Candelaria sa koordinasyon at pagpapatupad ng programa.

Aktibo ring nakibahagi ang 69th Infantry Battalion sa pagbibigay ng libreng gupit at pagpapanatili ng seguridad sa buong aktibidad sa pamumuno ni Lt. Col. Mark Anthony B. Ruelos, battalion commander.

Ayon sa mga organizer, layunin ng programa na makapagbigay ng agarang tulong at mapalakas ang ugnayan ng iba’t ibang sektor sa paghahatid ng serbisyo publiko sa mga komunidad.

Nagpasalamat naman ang mga benepisyaryo sa GMA Kapuso Foundation at mga katuwang na ahensya sa mga serbisyong kanilang natanggap. Anila, malaking tulong ang mga programang tulad nito sa mga mangingisda at kanilang pamilya.

Ipinakita rin ng aktibidad ang pagtutulungan ng pribadong sektor, lokal na pamahalaan, at mga ahensya ng pamahalaan sa paghahatid ng mga serbisyong pangkalusugan at suporta sa mga mamamayan.

📸 Mga larawan mula sa Cougar 69th IB

Leave a comment