Ang Pahayagan

PNP-PCADU at 69th Infantry Battalion Naglunsad ng Programang Suporta sa Bantay Dalampasigan sa Isla San Salvador

MASINLOC, Zambales — Nagsagawa ang Police Community Affairs and Development Unit (PCADU) ng Zambales Police Provincial Office (ZPPO), katuwang ang 69th Infantry (COUGAR) Battalion ng Philippine Army, ng programang naglalayong palakasin ang Bantay Dalampasigan at maghatid ng tulong sa mga residente ng Isla San Salvador sa Masinloc noong Hunyo 3.

Pinangunahan ni PMaj. Janice Piga, acting chief ng PCADU, at ni Lt. Col. Mark Anthony Ruelos, commanding officer ng 69th Infantry Battalion, ang aktibidad na ginanap sa covered court ng Barangay San Salvador.

Ayon sa mga organizer, layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng Bantay Dalampasigan bilang katuwang sa pangangalaga ng yamang-dagat, pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, at pagpapalawak ng kamalayang pangkomunidad.

Bahagi rin ng aktibidad ang West Philippine Sea Awareness Drive na isinagawa ng 69th Infantry Battalion upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente tungkol sa kahalagahan ng West Philippine Sea, pangangalaga sa pambansang teritoryo, at responsableng paggamit ng yamang-dagat.

Mahigit 100 residente ang nakatanggap ng food packs sa ilalim ng programang “Handog ng Kapulisan.” Nagkaroon din ng pamamahagi ng libreng lugaw para sa mga dumalo. Samantala, pinagkalooban naman ng raincoat, payong, at kendi ang mga kabataan.

Dumalo rin sa aktibidad sina Capt. Heherson Bides, operations officer; Capt. Daniel Gonzales, assistant operations officer; 1Lt. Alex Paz, commanding officer ng Alpha Company; at 1Lt. Elinor Grace Impang, civil-military operations officer ng 69th Infantry Battalion.

Nakibahagi rin sa programa ang Barangay Local Government Unit ng San Salvador, ang Philippine Coast Guard sa pangunguna ni Ensign Christian Louise Barbacena, at iba pang katuwang na ahensya.

Nagpasalamat ang mga residente sa mga ahensyang nagsagawa ng programa. Ayon sa mga organizer, ipinakita ng matagumpay na aktibidad ang pagtutulungan ng kapulisan, militar, at komunidad sa pagsusulong ng seguridad, pagkakaisa, at kaunlaran sa mga pamayanang baybayin, gayundin sa pagpapalawak ng kamalayan hinggil sa kahalagahan ng West Philippine Sea. (Ulat ni Jun Dumaguing para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment