Ang Pahayagan

Zambales ARBOs, Tumanggap ng Higit sa 2M Halaga ng mga Makinarya at Kagamitang Pansakahan sa DAR

ZAMBALES— Namahagi ng mga kagamitang pansakahan sa anim na agrarian reform beneficiaries’ organizations (ARBOs) ang Department of Agrarian Reform –  Zambales nitong Miyerkules, Hunyo 3, ng kasalukuyang taon.

Pinangunahan ni CARPO for Program Beneficiaries Development Division (PBDD) Benedick de Mesa ang aktibidad na ginanap sa tanggapan ng nasabing ahensiya.

Limang ARBOs ang tumanggap ng hand tractor with trailer and complete accessories, power sprayer, water pump, generator, chainsaw at grass cutter sa ilalim ng proyektong Sustainable Livelihood Development Support for Disaster Affected Areas (SLSDAA).

Kabilang rito ang Bulawen Integrated Farmers Association, Inc., Sitio Danao Castillejos Irrigators Farmers Association, Inc., Cawag Sapao Farmers and Fisherfolks, Inc., Sta. Cruz Mango Growers MPC, at ZAP Agrarian Reform Cooperative.

Para naman sa proyektong Major Crop Based Block Farm Productivity Enhancement, ang Palauig Mango Producers Cooperative ay tumanggap ng 4 HP tractor with complete trailer and complete accessories.

Ang mga proyektong ito ay nasa ilalim ng programang Climate Resilient Farm Productivity Support Program (CRFPSP) ay ipinapatupad ng Program Beneficiaries Development Division (PBDD) ng DAR Zambales.

Layunin nito na tulungan ang mga magsasaka na palakasin ang kanilang kabuhayan habang itinataguyod ang pagpapanatili ng produksyon lalo na sa mga lugar na madalas na may sakuna at pabago bagong panahon.

Ayon kay De Mesa, ibinabalik lamang ng pamahalaan ang mga ayuda para sa mga magsasakang may napakalaking bahagi ng ambag sa lipunan, mga magsasakang nagpapakain sa buong sambayanan.

Lubos na pasasalamat naman ang naging tugon ng bawat kinatawan ng ARBO sapagkat napakalaking tulong nito sa kanila lalo na sa pagdadala ng kanilang mga produkto at ani sa merkado.

Binigyang diin ni DAR Secretary Conrado Estrella III na patuloy na isinusulong ang mga programa na magpapabuti sa produksyon at kita ng mga magsasakang benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga suportang serbisyo at mga makabagong makinarya upang matulungan sila na maka angkop sa mga hamon na may kaugnayan sa klima o panahon.

Ang DAR Zambales, sa pinamumunoan ni PARPO II Francis Neil T. Pedralvez, ay patuloy na maghahatid ng tulong, gabay at mas matatag na kabuhayan para sa magsasakang benepisyaryo ng repormang agraryo.

📸 DAR Zambales

Leave a comment