Ang Pahayagan

GOVERNMENT INTERNSHIP PROGRAM

OLONGAPO CITY– Nagkakaisang inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Olongapo ang isang resolusyon na nagbibigay kapangyarihan kay Mayor Rolen C. Paulino Jr. na lumagda sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa pagpapatupad at pag-renew ng Government Internship Program (GIP) sa lungsod.

Ang naturang resolusyon ay isinulong ni City Councilor Vic-Vic Magsaysay, chairperson ng Committee on Labor and Employment.

Sa ilalim ng kasunduan, makikipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Olongapo sa DOLE, na kinakatawan ni Regional Director Geraldine M. Panlilio, upang mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong residente na makapagtrabaho sa iba’t ibang tanggapan ng pambansa at lokal na pamahalaan sa ilalim ng internship program.

Layunin ng GIP na mabigyan ang mga benepisyaryo ng mahalagang karanasan sa pagtatrabaho sa gobyerno habang pinauunlad ang kanilang kakayahan at kaalaman sa serbisyo publiko.

Ayon sa resolusyon, sasagutin ng DOLE ang 100 porsiyento ng sahod ng mga interns na makikilahok sa programa.

Inaasahang magbubukas ang programa ng mas maraming oportunidad para sa mga residente ng Olongapo na makakuha ng pansamantalang trabaho at karanasang maaaring makatulong sa kanilang paghahanap ng pangmatagalang hanapbuhay sa hinaharap. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment