Naghain sa House of Representatives ang Kabataan Party-list, kasama ang mga lider-kabataan mula sa iba’t ibang rehiyon, ng apat na panukalang batas at walong resolusyon nitong Hunyo 2 bilang bahagi ng kanilang pagsusulong ng mga isyung pangkabataan, edukasyon, at karapatang pantao.
Kabilang sa mga inihain ang muling pagsusulong ng Delivery of Accessible Services in Universities Bill (DASURV Bill o House Bill No. 9621), mga panukalang naglalayong tiyakin ang kaligtasan sa mga paaralan, palakasin ang Sangguniang Kabataan, tutulan ang panukalang Southern Access Link Expressway (SALEX), at kondenahin ang umano’y “wanted-tagging” sa mga kabataang aktibista sa Davao.
Ayon sa mga founding organizations ng Kabataan Party-list na kinabibilangan ng Anakbayan, League of Filipino Students, Panday Sining, National Union of Students of the Philippines, at College Editors Guild of the Philippines, napapanahon ang mga panukala at resolusyong ito sa gitna ng mga usaping pampulitika sa Senado.
Sa isang pahayag, iginiit ng grupo na dapat mas bigyang-pansin ng pamahalaan ang mga suliraning kinakaharap ng kabataan, kabilang ang edukasyon, trabaho, at kabuhayan, kasabay ng panawagan para sa pananagutan ng mga opisyal na nasasangkot sa mga kontrobersiya at alegasyon ng katiwalian.
Patuloy namang isinusulong ng Kabataan Party-list ang mga hakbang na anila’y tutugon sa mga pangangailangan at karapatan ng kabataang Pilipino. (Ulat ni MITCH C. SANTOS para sa Ang Pahayagan)
📸 Kabataan Partylist


Leave a comment