ANGELES CITY— Naiahon ng mga responder ang ika-23 sa mga kumpirmadong nasawi sa insidente ng gumuhong gusali habang nagpapatuloy ang search, rescue, at retrieval operations sa Barangay Balibago dito nitong Miyerkules (Hunyo 3) ng umaga.
Ayon sa pinakaluling datos mula sa Unified Command, matagumpay na naiahon dakong alas-9:12 ng umaga ang ika-23 biktima mula sa collapse site.
Bago ito naiahon ng mga responder ang ika-21 biktima, isang sanggol, mula sa Quadrant 2 ng gumuhong istruktura. Kasunod nito, naiahon din ang ika-22 biktima na unang natukoy sa parehong lugar dakong alas-4:04 kaninang madaling araw.
Nagpapatuloy ang paghahanap sa iba pang posibleng biktima habang walang tigil ang pag-aalis ng mga debris gamit ang heavy equipment upang makalikha ng mga access route sa loob ng collapse site.
Mahigpit namang binabantayan ng mga spotter ang bawat galaw ng heavy equipment habang nakikipag-ugnayan sa mga operator upang maprotektahan ang mga posibleng lokasyon ng mga biktima at matiyak ang kaligtasan ng mga responders na nasa lugar.
Sa kabila ng walang tigil na pag-ulan, ipinagpatuloy ng mga responder ang kanilang operasyon sa buong magdamag habang umaasa ang mga awtoridad na matukoy at maiahon ang lahat ng mga biktima ng trahedya. (Ang Pahayagan Reportorial Team)
📸 BFP Central Luzon


Leave a comment