SAN ANTONIO— Tinalakay ng mga opisyal ng Department of Science and Technology (DOST), Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, at mga lokal na pamahalaan ng San Antonio at Botolan ang hinggil sa malaking potensyal na mapagkukunan ng hydrogen gas sa lalawigan sa isang pulong na ginanap noong Miyerkules, Hunyo 3, sa Conference Hall ng San Antonio.
Pinangunahan ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. ang pagpupulong kasama sina San Antonio Mayor Arvin Antipolo, Botolan Mayor Jun Omar C. Ebdane, at mga kinatawan ng DOST.
Sa kanyang presentasyon, ipinaliwanag ni Dr. Karmina A. Aquino, project leader ng Hydrogen Seep Project ng DOST, na batay sa isinagawang pag-aaral ay may malaking hydrogen gas reserve sa Nagsasa Cove sa San Antonio at sa Barangay Poonbato sa Botolan.
Ang Hydrogen Seep Project ay bahagi ng programa ng DOST na naglalayong tukuyin ang mga lugar sa bansa na may potensyal na mapagkukunan ng hydrogen gas bilang malinis at alternatibong enerhiya.
Ayon sa DOST, ang Nagsasa Seep ay naglalabas ng tinatayang 808 tonelada ng geologic hydrogen kada taon, na itinuturing na isa sa pinakamataas na naitalang hydrogen emissions mula sa ophiolites sa buong mundo. Mas mataas umano ito kaysa sa naitalang rekord sa Albania noong 2024.
Sinabi ni Aquino na ang naturang potensyal ay maaaring magdulot ng malaking pakinabang hindi lamang sa mga apektadong bayan kundi maging sa lalawigan at sa buong bansa kung mapauunlad nang maayos.
Patuloy naman ang mga pag-aaral ng DOST sa mga nasabing lugar habang pinapalakas ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan para sa mga posibleng proyekto at programang may kaugnayan sa hydrogen development.

Sa pagpupulong, binigyang-diin ni Ebdane ang kahalagahan ng paghahanda ng lokal na hanay ng mga eksperto na maaaring manguna sa mga proyektong may kaugnayan sa hydrogen gas sa hinaharap.
Iminungkahi rin ng gobernador ang pagkakaroon ng kursong geology sa mga institusyong pang-edukasyon sa lalawigan upang makapagsanay ng mga lokal na espesyalista, katulad ng naunang pagtatatag ng kursong Mining Engineering sa President Ramon Magsaysay State University (PRMSU).
Nagpahayag din si Ebdane ng suporta sa patuloy na pananaliksik ng DOST at tiniyak ang pakikipagtulungan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales sa mga programang makatutulong sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng lalawigan at ng bansa.
Dumalo rin sa pulong sina DOST Regional Office III Assistant Regional Director Romeolito G. Tacbian, MGB Regional Office III Geosciences Division OIC Clarissa G. Villanueva, DOST-Zambales Provincial Director Bernardita D. Montevirgen, mga opisyal ng Provincial Environment and Natural Resources Office, Provincial Planning and Development Office, mga kinatawan ng LGU San Antonio at LGU Botolan, mga punong barangay, at iba pang lokal na opisyal.
📸 Zambales For The People


Leave a comment