Ang Pahayagan

TRIBUNG AYTA MAGBUKUN NG KANAWAN, BINABAWI ANG MGA LUPANG NINUNONG GINAGAMIT NG WALANG PAHINTULOT

MORONG, Bataan– Naglabas ng opisyal na pahayag ang Tribung Ayta Magbukun ng Kanawan, Morong, Bataan na nagsasaad ng kanilang desisyon na bawiin at muling angkinin ang lahat ng bahagi ng kanilang Lupang Ninuno at mga Indigenous Community Conserved Areas (ICCAs) na kasalukuyang ginagamit, inaangkin, o inookupahan nang walang Free, Prior and Informed Consent (FPIC) mula sa tribu.

Ayon sa kanila, layunin ng hakbang na mapangalagaan ang mga kagubatan, kabundukan, ilog, watershed, sagradong lugar, likas na yaman, at kultura ng kanilang komunidad para sa mga susunod na henerasyon.

Iginiit ng tribu na sa loob ng maraming taon ay may mga bahagi ng kanilang lupang ninuno na pinasok at ginamit ng iba’t ibang grupo nang hindi kinikilala ang kanilang karapatan bilang mga katutubo. Binigyang-diin nila na ang mga naturang gawain ay paglabag sa Indigenous Peoples’ Rights Act of 1997 o Republic Act No. 8371, na nagtatakda ng karapatan ng mga Indigenous Peoples na mabigyan ng Free, Prior and Informed Consent bago maisagawa ang anumang proyekto o aktibidad sa loob ng kanilang mga teritoryo.

Ayon pa sa tribu, hindi maituturing na tunay na pag-unlad ang mga proyektong nakabatay sa paglabag sa karapatan ng mga katutubo at nagdudulot ng pagkasira ng kalikasan, pagkawala ng kabuhayan, at pagyurak sa kanilang kultura at dignidad. Bilang bahagi ng kanilang hakbang, magsasagawa sila ng mga legal at tradisyunal na proseso upang mabawi ang mga lugar na walang wastong pahintulot, maprotektahan ang kanilang mga ICCAs laban sa panghihimasok, at mapigilan ang mga hindi awtorisadong proyekto at operasyon sa loob ng kanilang lupang ninuno.

Nanawagan din ang tribu sa mga mamumuhunan, korporasyon, pribadong indibidwal, at iba pang grupo na igalang ang kanilang mga karapatan at kilalanin ang kanilang tradisyunal na pamamahala sa lupang ninuno. Nagbabala sila na ang sinumang magpapatuloy sa paggamit o pagsakop sa alinmang bahagi ng kanilang mga ICCAs nang walang wastong FPIC ay maaaring maharap sa kaukulang legal, administratibo, at tradisyunal na hakbang. Kasabay nito, muling pinagtibay ng tribu ang kanilang paninindigang ipagtanggol at pangalagaan ang kanilang lupang ninuno bilang mahalagang bahagi ng kanilang pagkakakilanlan, kultura, at kinabukasan. (Ulat ni Mitch C. Santos para sa Ang Pahayagan)

Leave a comment