NI: MITCH C. SANTOS
Patuloy na lumalala ang agwat sa pagitan ng minimum na sahod at tinatayang kinakailangang kita ng isang pamilyang Pilipino para mabuhay nang disente, batay sa pinakabagong datos na inilabas ng IBON Foundation.
Ayon sa report, ang pambansang average minimum wage ay nasa Php510 kada araw o humigit-kumulang Php11,089 kada buwan hanggang Abril 2026. Gayunman, tinatayang higit na mas mataas ang kinakailangang kita para sa isang pamilyang may limang miyembro.
Sa parehong pag-aaral, ang tinatawag na national family living wage ay nasa Php1,312 kada araw o katumbas ng Php28,527 kada buwan, na halos doble ng kasalukuyang minimum wage.
Ipinapakita ng datos ang patuloy na hamon sa antas ng sahod sa bansa, lalo na sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bilihin at gastusin sa araw-araw na pamumuhay.
Wala pang pinal na tugon mula sa mga ahensya ng pamahalaan kaugnay sa panibagong ulat ng IBON sa oras ng paglalathala.


Leave a comment