SAN FERNANDO, Pampanga — Pinangunahan ni Regional Peace and Order Council (RPOC) III Chairperson at Zambales Governor Jun Ebdane ang isinagawang mass withdrawal of support at oath of allegiance ng mga dating kasapi at tagasuporta ng underground mass organizations (UGMOs) bilang bahagi ng kampanya para sa kapayapaan at kaayusan sa Gitnang Luzon.
Isinagawa ang programa sa Multi-Purpose Hall ng Camp Captain Julian Olivas noong Abril 27, sa pangunguna ng Police Regional Office 3 (PRO3) katuwang ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC).
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Ebdane na nagsisilbing inspirasyon ang naging programa ni dating Pangulong Ramon Magsaysay sa pagtulong sa mga nagbalik-loob sa pamahalaan.
“Ano ang pinakamagandang nangyari noon sa panahon ni dating Pangulong Ramon Magsaysay? Ang approach niya ay right hand-left hand, at siniguro niya na ang mga nagbalik-loob ay hindi lamang tinanggap ng komunidad kundi binigyan din ng pagkakataong mabuhay,” ani Ebdane.
Ayon sa PRO3, nasa 64 na indibidwal ang kusang-loob na nagbalik-loob at nagpahayag ng suporta sa pamahalaan matapos talikuran ang kanilang ugnayan sa mga kilusan.

Kabilang sa mga nagbalik-loob ang walong indibidwal mula sa Aurora Police Provincial Office, apat mula sa Bataan PPO, pito mula sa Bulacan PPO, 13 mula sa Nueva Ecija PPO, tatlo mula sa Pampanga PPO, sampu mula sa Tarlac PPO, pito mula sa Zambales PPO at Olongapo City Police Office, at 12 mula sa Angeles City Police Office at Regional Mobile Force Battalion 3.
Dumalo rin sa programa si Jess B. Mendez, regional director ng PRO3 at chairperson ng RTF-ELCAC III technical working group, kasama si Ulysses A. Untalan at iba pang opisyal ng pulisya at lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon.
Hinimok naman ni Ebdane ang mga nagbalik-loob na magpatuloy sa tahimik at maayos na pamumuhay kasama ang kanilang mga pamilya.

“Habang nandito kami, gagawin namin ang lahat ng aming makakaya. Habang ako ang chairperson ng RPOC III at RDC III, magsabi lamang kayo ng inyong pangangailangan,” ani niya.
Sinabi rin ni Ebdane na mahalagang hakbang ang bawat pagbabalik-loob tungo sa pangmatagalang kapayapaan at mas matatag na komunidad sa rehiyon.
📸 Zambales for the People


Leave a comment