SUBIC BAY FREEPORT —Naging makulay at masiglang selebrasyon ng musika, sining, at pagkain ang inihandog sa tatlong araw na “Big Bite Festival” nitong nakaraang weekend, Abril 24 hanggang 26, na bahagi sa pagdiriwang ng ika-14 anibersaryo ng Ayala Malls Harbor Point sa Subic Bay Freeport zone.
Patok sa mga residente at bisita lalo na sa mga kabataan ang “Big Bite Live,” kung saan sunod-sunod na nagtanghal ang iba’t ibang kilalang lokal na artista at banda simula alas-6 ng gabi bawat araw.
Sa unang gabi, Abril 24, pinasigla ang entablado ng Six70 Band, Seiya, Kier, at ng bandang Sunkissed Lola na naghatid ng matinding enerhiya sa mga manonood. Sinundan ito noong Abril 25 ng performances nina Celine, Afterembers, at muling pagbabalik ni Seiya, habang sa huling gabi noong Abril 26 ay pinanindigan nina Celineo, Formula 5, at Le John ang kasiglahan ng konsiyerto hanggang sa pagtatapos ng programa.

Bukod sa live performances, mayroon din iba’t ibang food stalls at aktibidad na lalong nagbigay-buhay sa festival atmosphere ng okasyon. Kasabay nito, itinampok din ang sining at pagkamalikhain sa “Big Bite” art showcase kung saan aktibong lumahok ang grupong I-Pilipino.
Tawag pansin din ang mga exhibit na nagpakita ng iba’t ibang anyo ng sining tulad ng upcycling artworks, malikhaing disenyo, at live sketching na pinangunahan ni Allen Manalo ng Artist3 Art School & Academic Center Olongapo.

Kabilang din sa mga kalahok ang UPCYCLING by Namara at April Mora Creatives na naglatag ng mga likhang sining na sumasalamin sa pagkamalikhain at pagpapahalaga sa lokal na kultura. Tampok din ang Baybayin art na patuloy na isinusulong sa makabagong panahon.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga artist at kalahok sa mainit na pagtangkilik ng publiko na naging bahagi ng matagumpay na selebrasyon.

Sa kabuuan, pinatunayan ng “Big Bite Festival” na higit pa sa pagkain at libangan ang hatid nito—ito ay isang pagtitipon ng komunidad na nagdiriwang ng lokal na talento, kultura, at pagkakaisa. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment