OLONGAPO CITY– Isang makulay at malikhaing pagtitipon ang naganap sa Olongapo City sa pamamagitan ng “Imprint: A Creative Stamp-making Workshop” na inorganisa ng The Curious Stamp nitong Abril 26. Idinaos ang aktibidad sa Source Coffee, Sunny East Complex, Manila Avenue, Subic Bay Freeport Zone (SBFZ).
Layon ng workshop na ipakilala at palalimin ang kaalaman ng mga kalahok sa sining ng stamp-making—isang malikhaing proseso ng paggawa ng selyo mula sa iba’t ibang materyales.

Mula sa simpleng paghubog ng clay hanggang sa mas masusing pag-ukit ng rubber, tinuruan ang mga dumalo ng iba’t ibang teknik upang makalikha ng sariling disenyo.
Hinati ang programa sa dalawang pangunahing kategorya: ang Creative Clay Stamps, na nakatuon sa masaya at agarang paglikha ng mga tekstural na disenyo; at ang Hand-carved Rubber Stamps, na mas teknikal at nangangailangan ng masusing pag-ukit para sa detalyado at pangmatagalang output.

Ayon sa mga organizer, bukas ang workshop para sa lahat—mula sa mga baguhan hanggang sa mga may karanasan na nais pang paunlarin ang kanilang kasanayan sa sining ng paglilimbag.
Layunin din nitong hikayatin ang mas malalim na pagpapahalaga sa handcrafted art sa gitna ng modernong teknolohiya.
Nagkakahalaga ng ₱1,450 ang bayad para sa Creative Clay Stamps at ₱1,750 naman para sa Hand-carved Rubber Stamps. Mayroon ding espesyal na alok para sa mga magulang at anak, na naglalayong palakasin ang ugnayan sa pamamagitan ng creative bonding.

Isinagawa ang workshop sa pakikipagtulungan ng The Curious Stamp, I-Pilipino, at Source Coffee, sa pangunguna ni Ms. Jen Van der Heijde. Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, patuloy na pinauunlad ang lokal na sining at binibigyang espasyo ang malikhaing pagpapahayag ng komunidad. {Ulat para sa Ang Pahayagan / MICHAEL “MITCH” C. SANTOS}


Leave a comment