Ang Pahayagan

PAGPASLANG SA MAMAHAYAG NA SI RJ LEDESMA, KINONDENA

MITCH C. SANTOS

Mariing kinondena ng Umani Productions at Altermidya Network ang pagkamatay ng community journalist na si RJ Nichole Ledesma, na nasawi noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, .

Ayon sa ulat, nasangkot si Ledesma sa isang umano’y engkwentro ng militar habang siya ay nagsasagawa ng community work at immersion reporting sa lugar. Tinututukan niya noon ang kalagayan ng mga magsasaka at ang epekto ng mga proyektong renewable energy, kabilang ang pagpapalawak ng mga solar farm at windmill projects sa Negros Island.

Si Ledesma ay kilalang manunulat at editor ng Paghimutad-Negros at nagsilbi ring regional coordinator ng Altermidya sa rehiyon. Sa kanyang mga ulat, binigyang-diin niya ang mga isyu at hinaing ng mga marginalized na sektor, partikular ang mga magsasaka.

Ayon sa Umani Productions, kanilang ipinahayag ang matinding pagdadalamhati sa sinapit ni Ledesma at binigyang-diin ang kanyang mahalagang papel sa community journalism. Anila, siya ay nagsilbing boses ng mga komunidad na madalas hindi naririnig.

Patuloy naman ang panawagan ng iba’t ibang grupo para sa agarang, patas, at masusing imbestigasyon sa insidente upang mapanagot ang mga responsable at makamit ang hustisya para kay RJ Nichole Ledesma.

Leave a comment