Pormal na ginawaran ng ranggong Auxiliary Commodore ng Philippine Coast Guard (PCG) si Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun sa isinagawang seremonya sa PCG Headquarters ngayong araw.
Pinangunahan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang donning of rank at oath-taking kung saan kanyang pinanumpa at iginawad ang naturang honorary rank kay Khonghun.
Ayon kay Khonghun, isang malaking karangalan ang natanggap niyang pagkilala na may kaakibat na mas mabigat na responsibilidad para lalo pang palakasin ang serbisyong publiko, isulong ang proteksyon sa karagatan at tumulong sa mga komunidad lalo na tuwing may sakuna at emergency.
“Ang pagkilalang ito ay nagbibigay inspirasyon sa akin upang ipagpatuloy ang paglilingkod sa ating mga kababayan at suportahan ang mga hakbang na nagtatanggol sa ating mga baybaying komunidad,” dagdag pa ni Khonghun.

Nagpasalamat din ang mambabatas sa kanyang pamilya partikular kay Subic Mayor Jonathan “Jon” Khonghun dahil sa walang patid na suporta sa mahahalagang yugto ng kanyang public service career.
Nagpahayag din siya ng pasasalamat sa mga residente ng Olongapo City at sa buong lalawigan ng Zambales sa patuloy na tiwala at suporta sa kanya. (PR)


Leave a comment