ZAMBALES — Inilunsad ng PhilHealth Olongapo, katuwang ang Kazama Grameen Microfinance Inc. (KGMI), ang programang “YAKAP at Kalinga” noong Abril 20, 2026, bilang bahagi ng pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan para sa mga miyembro ng nasabing organisasyon.
Tinipon ng pamunuan ng KGMI ang kanilang mga kawani upang makibahagi sa serye ng talakayan at mga aktibidad na nakatuon sa kapakanan at benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth.
Sa pangunguna nina Danilo A. Francisco Jr., Administrative Aide VI, kasama sina Janice M. Mea, SIA I P-AIMS, at Cheyanne Antioquia ng P-AIMS, ibinahagi ang mahahalagang impormasyon ukol sa mga programa ng PhilHealth, kabilang ang YAKAP at GAMOT, gayundin ang iba pang serbisyong medikal na maaaring mapakinabangan ng komunidad.

Naging makabuluhan at masigla ang isinagawang aktibidad, kung saan aktibong nakilahok ang mga kawani at nagbahagi ng kanilang karanasan.
Ayon sa isa sa mga kawani, malaking ginhawa ang naidulot ng programa sa kanilang pamilya. “Natakot akong magpagamot noon dahil akala ko ay mahal, pero ngayon ay malaking kaginhawaan ang YAKAP. Nagulat ako dahil wala akong babayaran sa ospital kung sakali. Malaking tulong ito sa amin na mag-isang bumubuhay sa pamilya,” aniya.
Sa kabuuan, layunin ng programang “YAKAP at Kalinga” na mapalapit ang mga serbisyong pangkalusugan sa mamamayan at mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa mga benepisyong hatid ng PhilHealth.(Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment