Ang Pahayagan

Upcycle na mga Moda Tampok sa SBMA Earth Day Celebration 2026 “Green Runway Eco Fashion Show”

SUBIC BAY FREEPORT—Itinampok ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA)- Ecology Center ang malikhaing paggamit ng recycled at upcycled materials sa ginanap na “Green Runway 2026 (Eco Fashion Show)” na may temang “Our Power Our Planet: A Philippine-Inspired Upcycled Masterpiece.”

Layunin ng programa na itaas ang kamalayan ng publiko hinggil sa lumalalang problema sa single-use plastics at hikayatin ang bawat isa na maging bahagi ng solusyon sa pangangalaga ng kalikasan.

Isa sa mga tampok ang likha ni Ms. Rosemarie Bautista ng Office Services Department, na nagsilbing designer, creator, at modelo ng kanyang obra. Ang kanyang kasuotan ay binubuo ng mahigit 80 porsiyentong recycled materials, kabilang ang mga itinapong plastik, retaso, lumang sako ng bigas, at mga makukulay na food wrappers.

Ipinakita ni Bautista ang kakaibang proseso ng paglikha sa pamamagitan ng mano-manong pagputol, pagtitirintas, at pagbuo ng mga plastic strips upang maging matitibay na hibla o “yarns” na ginamit sa disenyo. Sa tulong ng hot glue gun, hinubog ang mga ito upang makabuo ng rosette patterns na nagsilbing 3D textile ng kasuotan—hindi lamang para sa estetika kundi para rin sa tibay at kakayahang maisuot sa runway.

Samantala, umagaw rin ng pansin ang isa pang disenyo na likha ni Mr. Francis Garcia, na nagsilbing halimbawa ng paggamit ng “3 R’s” o reduce, reuse, at recycle sa moda. Ang bodice nito ay gawa sa pinagsamang retaso, laminated plastics, at bubble wrap na hinulma upang magmukhang dahon, habang ang palda ay nilagyan ng patong-patong na plastic ruffles sa neon na dilaw at pilak na may mahabang buntot na yari sa recycled plastics.

Kakaiba rin ang mga aksesorya ng kasuotan, kabilang ang bag na ginawa mula sa ginamit na 2-litro na bote ng tubig, headdress na hinulma mula sa sako ng bigas at trapal, at mga hikaw at sapatos na ginamitan ng iba’t ibang recycled materials. Kapansin-pansin din ang paggamit ng kulay at disenyo na sumasalamin sa watawat ng Pilipinas, tampok ang kombinasyon ng bughaw, pula, at matingkad na dilaw.

Ayon sa ulat, umabot lamang sa P300 ang kabuuang gastos para sa ilang materyales tulad ng sinulid, pandikit, at spray paint, habang ang karamihan sa ginamit ay donasyon o mula sa mga itinapong bagay.

Bukod dito, ipinakilala rin sa runway si G. Carlos “Dong” Andres ng Public Relations Office, na nagsuot ng sariling likhang kasuotan sa ilalim ng “Dong’s Fashion.” Tampok sa kanyang disenyo ang paggamit ng mga materyales tulad ng ginamit na itim na bubble wrap, lumang karton ng itlog, retaso, lumang damit, takip ng softdrinks, at iba pang recycled na bagay.

Ang kanyang kasuotan, kabilang ang pang-itaas at palda, ay nagpapakita ng mensahe ng pangangalaga sa kalikasan, partikular sa paglaban sa polusyon sa karagatan dulot ng plastik. Patunay ito na maaaring pagsamahin ang sining, moda, at adbokasiya para sa kapaligiran.

Binigyang-diin ng SBMA na ang naturang palabas ay higit pa sa isang fashion show, kundi isang panawagan para sa konkretong aksyon laban sa polusyon at labis na basura. Ipinakita rin nito na ang mga itinuturing na “basura” ay maaaring gawing makabuluhan at malikhaing obra.

Sa huli, nanawagan ang mga kalahok na paigtingin ang pangangalaga sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagbabawas ng basura, pagsusulong ng reuse at recycle, at pag-iwas sa mga gawaing nakasisira sa kalikasan.

Sa kabuuan, itinampok ng “Green Runway 2026” hindi lamang ang kinabukasan ng moda kundi pati na rin ang kinabukasan ng mundo. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

📸 Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING

Leave a comment