Hindi kakulangan sa pondo kundi maling pagtutok sa paggamit nito ang pangunahing suliranin ng state universities and colleges (SUCs), ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Sa kanyang talumpati sa Miting de Avance at Dialogue ng Cebu Technological University (CTU) Student Government nitong April 16, 2026, sinagot ni Cayetano ang tanong ng isang estudyante ukol sa kakulangan sa imprastraktura, partikular sa digital systems at pagpapalawak ng mga silid-aralan.
Binigyang diin ng senador na sapat ang pondo ng gobyerno ngunit nagkakaroon ng problema sa kung paano ito naipapamahagi at nagagamit.
“6.8 trillion is not a small budget,” wika niya, patungkol sa 2026 national budget. “The question is, are we using it wisely?”
Ipinaliwanag ni Cayetano na kadalasang napupunta sa usapin ng pagbabawas ng pondo ang diskurso kapag may kontrobersiya — tulad sa flood control — sa halip na tutukan ang mas malalim na problema.
“The problem is not the funds, the problem is corruption… When I was a young congressman, the budget of DPWH was P50 billion. Last year, the budget of DPWH was P1.1 trillion,” wika niya.
Giit pa niya, mahalaga ang mas mataas na kamalayan ng publiko, lalo na ng kabataan, sa kung paano ginagamit ang pondo ng gobyerno upang mapalakas ang pananagutan ng mga ahensya.
Bilang halimbawa, binanggit ni Cayetano ang karanasan ng Taguig kung saan inilipat ang prayoridad ng paggastos patungo sa edukasyon, partikular sa scholarship programs — isang hakbang na aniya’y nakatulong sa paglago ng kita ng lungsod at pagpapalawak ng serbisyong panlipunan.
Ayon sa senador, ang pagbuti ng kalagayan sa edukasyon at iba pang sektor ay hindi lang nakasalalay sa pagdagdag ng pondo kundi sa tamang pagtatakda ng prayoridad, pagsugpo sa katiwalian, at pagpapalakas sa kaalaman ng mamamayan.
“How do we change? Well, one, the way we changed in Taguig, we informed everyone. Tamang priorities, pagtutulungan ng mga tao, tanggalin ang corruption, but empowered pa rin y’ung mga tao,” wika niya. (PR)


Leave a comment