OLONGAPO CITY –Magkakatuwang ang mga miyembro ng Olongapo Bureau of Fire Protection, Subic Bay Metropolitan Authority Fire Department at iba pang fire and rescue units upang agarang maapula ang sunog na sumiklab sa Rodriguez St. corner 14th St., Barangay New Kalalake dito katanghalian ng Sabado, Abril 18
Batay sa paunang imbestigasyon, nagsimula ang sunog bandang 12:30 ng tanghali, pagsapit ng 12:50 ng hapon ay naitala itong under control, at tuluyang idineklarang fire out bandang 1:15 ng hapon.
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Mayor Atty. Rolen Paulino Jr. sa mabilis at maagap na pagresponde ng DRRMO Fire-Search and Rescue Bravo Team, Bureau of Fire Protection (BFP) Olongapo Fire Station, SBMA Fire Department, Barangay New Kalalake Fire and Rescue Team, OTMPS, at OEDC.

Ayon sa alkalde, malaki ang naging papel ng maayos na koordinasyon at dedikasyon ng mga responder upang agad makontrol ang sitwasyon at maiwasan ang mas malawak na pinsala.
“Maraming salamat po sa inyong serbisyo,” ani Paulino, bilang pagkilala sa sakripisyo at kahandaan ng mga frontliner sa oras ng sakuna.
Sa kasalukuyan ay walang iniulat na nasaktan sa insidente, gayundin ay wala pang datos hinggil sa tinatayang halaga ng napinsala sa naturang sunog. (Ulat para sa Ang Pahayagan / Mitch C. Santos)
📸 MITCH SANTOS at ANTEQ PANADO via SBMA FD


Leave a comment