PAMPANGA — Pinangunahan ng PhilHealth Regional Office III, katuwang ang Central Luzon Solo Parent Federation (CLSPF), Inc. at Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pagdiriwang ng Solo Parent Day 2026 na may temang “Hindi ka nag-iisa sa iyong pag-iisa; YAKAP at Kalinga para sa solo parent,” na ginanap noong Abril 15 sa Lola Ima Cuisine and Restaurant.
Dinaluhan ito ng mahigit 165 solo parents mula sa mga lalawigan ng Pampanga, Bataan, Zambales, at Tarlac na nagtipon upang makibahagi sa mga talakayan at programang nakatuon sa kanilang kapakanan.
Sa pangunguna ni PhilHealth Acting Vice President Atty. Ma. Emily P. Roque, kasama sina Acting Branch Manager Dr. Rowena S. Zabat-San Mateo, CLSPF Regional Chapter President Feni Evangelista-Santos, at DSWD Division Chief Czar Cornelius R. David, ibinahagi sa mga kalahok ang mahahalagang impormasyon hinggil sa mga benepisyo ng PhilHealth tulad ng YAKAP at GAMOT, pati na rin ang Expanded Solo Parent Act at iba pang serbisyong pangkalusugan para sa mga solo parent at kanilang mga anak.
Ayon kay Dexter S. Maglalang, Head ng PhilHealth Membership Section A, layunin ng programa na tiyakin na may sapat na proteksiyong pangkalusugan ang mga solo parent, habang binibigyan din sila ng inspirasyon, suporta, at aktibong partisipasyon sa komunidad.

Naging makabuluhan at masigla ang aktibidad kung saan ibinahagi rin ng ilang solo parents ang kanilang karanasan. Isa sa kanila ang nagpahayag na malaking tulong ang PhilHealth sa kanilang pamilya.
“Natakot akong magpagamot noon dahil akala ko ay mahal, pero nagulat ako dahil wala akong binayaran sa ospital. Malaking tulong ito sa amin na mag-isang bumubuhay sa pamilya,” ani ng isang kalahok.
Sa kabuuan, naging daan ang programa upang higit na mapalakas ang ugnayan at suporta para sa mga solo parent sa rehiyon, kasabay ng pagpapalawak ng kaalaman sa mga serbisyong maaari nilang maasahan mula sa pamahalaan. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C SANTOS)


Leave a comment