Ang Pahayagan

Hinihinalang Chinese spy sinakote

Zambales — Inaresto ng pinagsanib na inter-agency team na pinangunahan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang umano’y jet fighter pilot ng Chinese People’s Liberation Army (PLA) sa kanyang inuupahang apartment sa Barangay Lipay-Dingin-Panibuatan, Iba.


Sa ipinatupad na Mission Order (MO) 2026-063 nitong Huwebes, Pebrero 12, pinamunuan ng mga ahente ng BI, kasama ang mga tauhan mula sa Philippine Army at Philippine National Police, ang pag-aresto sa isang kinilalang Mongolian National na si Bold-Erdene Boldbaatar, 30, dahilan umano sa paglabag sa Commonwealth Act 613.

Batay sa MO, nilabag umano ni Boldbaatar ang mga kondisyon o limitasyon ng pananatili sa bansa. Hindi din umano niya binanggit ang hinggil sa kanyang military affiliation at aviation combat training.

Nabatid sa isang umano’y intelligence report na si Boldbaatar ay nagtapos sa Defense University of Mongolia at Civil Aviation University of China, at nakakuha ng lisensya bilang piloto ng jet fighter ng People’s Liberation Army (PLA) mula sa PLA Air Force Aviation University.


Agad na dinala sa BI office sa Maynila ang inaresto para sa booking, medikal na pagsusuri at biometric processing.

Leave a comment