Ang Pahayagan

KONSULTASYON NG ABOITIZ HINGIL SA SOLAR FARM PHASE 2, ISINAGAWA SA KONSEHO NG OLONGAPO 

Isinagawa kahapon sa bulwagan ng Sanggunian Panglungsod ang konsultasyon ng Aboitiz hinggil sa kanilang planong pagtatayo ng Solar Farm Phase 2 sa kabundukan ng Balimpuyo.

Layunin ng naturang proyekto na palawakin ang kapasidad ng lungsod sa paggamit ng renewable energy at makatulong sa pagtugon sa lumalaking pangangailangan ng bansa sa kuryente.   

Sa naturang pagpupulong, ipinaliwanag ng mga kinatawan ng Aboitiz ang teknikal na aspeto ng proyekto, kabilang ang lawak ng lupang sakop, inaasahang kapasidad ng enerhiya, at mga benepisyong pang-ekonomiya para sa lokal na pamahalaan. Binanggit din nila ang mga hakbang upang matiyak ang environmental compliance, gaya ng pangangalaga sa biodiversity at pag-iwas sa soil erosion sa kabundukan.   

Sa nasabing sesyon, ipinresenta ng kompanya—sa pangunguna ni Engr. Cris Alidon, Vice President for Engineering and Execution ng AboitizPower, ang mga nakalap na alalahanin mula sa publiko, gayundin ang kanilang mga kasagutan at paliwanag sa mga isyung iniuugnay sa proyekto. 

Nagkaroon ng pagkakataon ang mga miyembro ng Sanggunian Panglungsod, mga opisyal ng barangay, at ilang kinatawan ng komunidad na magtanong at magbigay ng suhestiyon. Ilan sa mga isyung tinalakay ay ang epekto sa kalikasan, kabuhayan ng mga residente, at seguridad ng lugar.   

Ayon sa mga opisyal ng lungsod, mahalagang bahagi ng proseso ang konsultasyon upang matiyak na ang proyekto ay nakabatay sa interes ng publiko at sumusunod sa mga regulasyon. Inaasahang maglalabas ng rekomendasyon ang Konseho matapos ang serye ng deliberasyon at karagdagang pag-aaral.   

Kung maisasakatuparan, ang Solar Farm Phase 2 ay inaasahang magbibigay ng karagdagang suplay ng malinis na enerhiya, magbubukas ng oportunidad sa trabaho, at magpapatibay sa posisyon ng Olongapo bilang isa sa mga lungsod na nangunguna sa paggamit ng renewable energy sa rehiyon. 

Sa huling bahagi ng session ay sinabi ni Vice Mayor Kaye Anne Legaspi na may nauna nang panukala ang Barangay Sta. Rita Community kaugnay sa paroyekto ng AP Renewables, Inc. (AboitizPower).

“Hindi na po muna aakyat dito sa konseho ang panukalang pagtatayo ng Solar. Farm Phase 2, dahil eto ay ibinasura na ng Barangay Sta Rita, kaya minumungkahi po natin na back to step 1 po ang Aboitiz kailangan  nilang bumaba sa Community para magpaliwanag detail by detail at makumbinsi ang komunidad na mapapayag sa kanilang panukala,” paliwanag ng bise alkalde. (Ulat mula kay MITCH C. SANTOS , larawan kuha ni JACK SOLANO)

Leave a comment