Carmagedon tuwing may aberya sa nag-iisang lansangan na nag-uugnay sa Zambales at Olongapo
Muling naranasan ng mga motoristang bumabiyahe sa Olongapo-Bugallon Highway ang bagsik ng “carmagedon” nang maranasan ang bumper to bumber traffic sa maghapon ng Lunes, Disyembre 22.
Ito ay makaraang malaglag sa kanal ang mga panlikurang gulong ng low-bed trailer truck na may kargang container van sa Parola area sa Olongapo.
Ang nasabing pagkalaglag sa kanal ng trailer truck ay nagdulot ng matinding traffic jam na lumatag sa halos anim na kilometro mula Kalaklan sentry ng Dewey Avenue sa Subic Bay Freeport na ang kabilang dulo naman ay sa Matain, Subic sa Zambales.
Ang ordinaryong biyahe na 15 minutos lamang tinatakbo ng mga sasakyan ay naging dalawang oras na usad-pagong na paglalakbay para sa mga biyahero.
Makailang ulit nang nagaganap ang ganyang senaryo kung saan sa simpleng pagbalagbag ng malaking sasakyan o magkaroon ng aksidente, halos hindi na madadaanan ang zigzag road na nag-uugnay sa siyudad ng Olongapo sa lalawigan ng Zambales.
Kapag minalas-malas na nataon pa sa rush hour at magkaroon ng aberya sa nasabing lugar, apektado rito ang mga manggagawang naghahabol sa pagpasok sa mga planta sa Subic Bay Freeport.
May mga hakbangin naman nang isinagawa ang mga nanunungkulan upang solusyonan ang ganyang problema.
Una na rito ang pagretoke sa kabilang parte ng zigzag road sa Preda na bahagyang nakapagpaluwag sa merging area na nagiging choke point kapag mataas ang volume ng mga sasakyan. Ito ay sa pamamagitan ng pagtakip sa mga open canal sa gilid ng kalsada na madalas kahulugan ng mahahabang sasakyan.
Sa pamamagitan ng proyektong ito ng Department of Public Works and Highway (DPWH) ay nadagdagan ng isang lane ang highway. Subalit hindi pa rin lubos itong natapos dahil naiwan pa rin ang mga poste na pag-aari daw ng mga tele-communications companies.
May solusyon din ang Olongapo City Traffic Management and Public Safety (OTMPS) upang maibsan ang trapiko sa lugar. Ito ang paglalagay ng mga traffic cones upang bigyang prayoridad ang mga motoristang papasok sa Freeport kapag rush hour.
Maganda ito bilang pansamantalang solusyon na pabor para sa mga manggagawang nakakapasok nang maaga sa kanilang mga trabaho. Ang problema nga lamang ay kung may malalaking truck na lumalabag sa itinakdang truck ban na ipatupad ng OTMPS.
Ang pinakahuli at pinaka- kongkreto sanang solusyon sa lumulubhang problema sa trapiko ay ang bagong By-pass Road mula barangay Naugsol, Subic Zambales na tagos hanggang Olongapo.
Malaking kaginhawaan kung ganap na matatapos ang by-pass road na ito subalit may mga umuusbong na usapin pa kaugnay sa mga umano’y madaraanang pribadong lupain gayundin sa pondong kinakailangan upang matapos ito.
Naging bantang peligro din ang ginagawang kalsada noong nakalipas na tag-ulan dahilan sa mga pagguho o landslide na labis na ikinatakot ng mga residenteng nakatira malapit rito.
Ang proyektong tulad nito ay marapat lamang na agaran nang tapusin upang maging matiwasay nang muli ang pagbi-biyahe ng mga motorista.
Ang mga proyektong matagal isakatuparan ay nananatiling isang hungkag na pangako lamang ng mga politiko hanga’t hindi ganap na napapakinabangan ng taumbayan.
Patuloy na babantayan ng pitak na ito ang mga magiging kaganapan pa kaugnay sa problemang ito.


Leave a comment