Ang Pahayagan

DOLE binanatan ni Cayetano sa mabagal na pagresolba ng labor cases

Kinwestiyon ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Huwebes ang kabagalan ng pag-usad ng mga labor cases sa kabila ng pagsabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) at National Labor Relations Commission (NLRC) na mas mabilis na ang internal processing nila nitong mga nagdaang taon.

“Ang problema nga natin dati, ang tagal [ng usad]. Kaya maraming big companies, they wait it out dahil may pera at resources sila,” sabi ni Cayetano sa plenary debates ng Senado para sa proposed 2026 budget ng DOLE nitong November 27, 2025.

“Give me the timeline from the filing of the complaint to the Labor Arbiter, to the Commission, then to the Court of Appeals. Kasi may decision ang Supreme Court na kailangan pang dumaan sa Court of Appeals bago makarating sa Supreme Court,” wika niya.

Ayon kay Cayetano, kahit may pagbilis sa proseso ng DOLE at NLRC, nahihirapan pa rin ang manggagawa kapag umabot na ang kaso sa korte dahil buwan ang bibilangin bago gumalaw.

Sabi ni Cayetano, dehado talaga ang ordinaryong empleyado dahil wala silang kinikita habang tumatagal ang kaso, samantalang ang malalaking kumpanya kayang maghintay nang matagal.

“Marami talagang nawawalan ng gana maghabol kasi walang kinikita habang umaandar ang kaso,” wika niya.

Giit ng senador, kailangan ang updated data para makita kung anong reporma ang dapat isulong para makakuha ng mabilis at makatarungang resolusyon ang mga manggagawa na may lehitimong reklamo.

Idinagdag ni Cayetano na matagal nang suliranin ang pagkaantala sa labor justice system at maaayos ito kung magkakaroon ng isang dedicated body tulad ng Executive-Legislative Labor Commission (LabCom) — isa sa kanyang priority bills sa 20th Congress — para maging sentrong mekanismo sa polisiya at koordinasyon para sa proteksyon ng manggagawa.

“Hindi ako nag-a-accuse… I want to understand. Because if ever magkaroon ng Labor Commission, these are exactly the types of issues that we will solve,” wika niya. (PR)

Leave a comment