SUBIC BAY FREEPORT — Sa gitna ng malamig na simoy ng hangin, muling nagningning ang Subic Bay Freeport matapos pormal na sindihan ang kanilang mga dekorasyon sa pamamagitan ng taunang Christmas Lighting Ceremony nitong Lunes Nobyembre 17, 2025.
Ang seremonya ay dinaluhan ng mga opisyal ng Subic Bay Meropolitan Authority (SBMA), mga empleyado, residente, at mga bisitang sabik na masaksihan ang makukulay na ilaw at dekorasyong pamasko.
Ayon kay SBMA Chairman and Administrator Eduardo Jose L. Alino, ang naturang taunang Christmas lighting ceremony ay hindi lamang isang selebrasyon ng kapaskuhan, kundi isang paalala ng kanilang patuloy na misyon na magbigay ng ligtas, masigla, at maunlad na kapaligiran para sa lahat ng nakatira at bumibisita sa Subic. Ang seremonya ay nagiging sentro ng turismo at kultura, na umaakit ng mga bisita mula sa kalapit na probinsya at lungsod.
“Ang taunang tradisyon na ito ay nagsisilbing simbolo ng pagkakaisa at pag-asa para sa komunidad ng Subic. Sa pagbubukas ng mga ilaw, pinapaalala ng pamunuan ng SBMA ang kahalagahan ng pagbabahagi ng liwanag at saya sa panahon ng kapaskuhan,” ani sa talumpati ni Aliño bago ang opisyal na ceremonial switching.

Tampok sa seremonya ang malaking Christmas tree na pinalamutian ng libu-libong LED lights, makukulay na parol, at mga dekorasyong sumasalamin sa kulturang Pilipino.
Bukod sa pagpapailaw, nagkaroon din ng maikling programa na kinabibilangan ng mga lokal na banda. Ang mga bisita ay nagkaroon ng pagkakataong maglakad sa kalapit ng ginaganap na Freeport Food Bazaar gayundin ang masilayan ang iba’t ibang light installations sa kahabaan ng Waterfront Road at Dewey Avenue na dinisenyo upang maging kaaya-ayang atraksyon para sa mga turista at pamilya.
KAHALAGAHAN SA KOMUNIDAD
Sa darating na mga linggo naman, inaasahan ang iba’t ibang Christmas events at community activities sa loob ng Freeport Zone, kabilang ang mga konsiyerto, bazaars, at mga outreach programs.
Layunin ng SBMA na gawing mas makabuluhan ang kapaskuhan sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga karanasang nagdudulot ng saya at pagkakaisa.
“Ang Christmas lighting ay nagsisilbing makulay na paalala na ang diwa ng Pasko ay nananatiling buhay sa Subic — isang panahon ng liwanag, pag-asa, at pagkakaisa para sa buong komunidad,’ pagtatapos ni Aliño. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS / Mga larawan kuha ni JUN M. DUMAGUING)


Leave a comment