SUBIC BAY FREEPORT ZONE — Bilang bahagi ng taunang pagdiriwang ng Consumer Welfare Month, isinagawa ang provincial culminating activity nito sa Activity Center ng Ayala Malls Harbor Point sa Subic Bay Freeport Zone noong Huwebes, Oktubre 23, 2025.
Pinangunahan ang aktibidad ng Department of Trade and Industry (DTI) Zambales, katuwang ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Ayala Malls, sa ilalim ng temang “Bida ang Konsyumer sa Bagong Pilipinas.”
Layunin nito na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili, gayundin ang pagpapalaganap ng responsableng pagnenegosyo sa rehiyon.
Kabilang sa tampok na kaganapan ang pagkakaloob ng parangal sa mga nagwagi sa Creative Digital Poster Challenge, Spoken Poetry Contest, at Ms. Consumer Advocate Zambales. Mayroon din mga inilunsad na Consumer Advocacy and Awareness Campaigns bago ang naturang pagdiriwang.

Sa Digital Poster Making Challenge, hinikayat rito ang pagiging malikhain ng mga estudyante at kabataan na maisulong ang proteksyon at kapangyarihan ng mga mamimili sa pamamagitan ng sining .
Ang paligsahang Spoken Poetry naman ay ipahayag ang kanilang pagiging malikhain at mga pananaw sa pamamagitan ng orihinal na komposisyon ng tula na nakatuon sa konsumismo.

Sa pamamagitan ng mga talentong ito, mapapalawak ng mga kalahok ang kamalayan tungkol sa mga isyu ng konsumer habang hinuhubog ang kanilang kasanayan sa pagsasalita sa publiko at pagtatanghal.
Naging tampok din ang pagpirma ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng DTI Zambales at Asian Vision para sa programang Trade Talks: Kasangga-, Ka-Negosyo, Ka-Konsyumer na ang pangunahing layunin ay ang kolaborasyong na tugunan na ma-abot ang mga malalayong lugar sa Zambales na maparatingan ng edukasyon para sa mga mamimili at suporta para sa mga MSME.

Magtutulungan umano ang DTI Zambales at Asian Vision, isang pribadong cable television provider, na magkaroon ng matibay na presensya sa broadcast media ang mga ilulunsad na programa ng DTI.
Ayon sa DTI Zambales, ang selebrasyong ito ay bahagi ng malawak na kampanya upang isulong ang isang makatarungan, ligtas, at inklusibong pamilihan para sa lahat. Sa pakikipagtulungan ng BSP, binigyang-diin din ang kahalagahan ng digital payments at financial inclusion sa bagong ekonomiya ng bansa.
“Sa lahat ng consumer, panatilihin natin na maging matalino, at maging mapanuri, ang Department of Trade and Industry naman ay patuloy na magmo-monitor at magpapatupad ng proteksyon at magpapataas sa consumer awareness sa probinsiya,” ani ni acting Division Chief Niel John Fabay ng DTI Zambales.
Ang Consumer Welfare Month ay ginugunita tuwing buwan ng Oktubre sa buong bansa, alinsunod sa Proclamation No. 1098, upang kilalanin ang mahalagang papel ng mga konsyumer sa pambansang kaunlaran. (Ulat para sa Ang Pahayaganni MITCH C. SANTOS)
📸 Larawan mula sa DTI Zambales


Leave a comment