Ang Pahayagan

Lutong Bayan 2025 isinulong ang seguridad sa pagkain at maka-kalikasang pamumuhay 

Bahagi ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng Pagkain at Buwan ng Magsasaka, isinagawa ang “Lutong Bayan 2025: Pagkain Para sa Lahat” sa University of the Philippines Diliman, na layong palakasin ang panawagan para sa seguridad sa pagkain at pangkalikasang pamumuhay. 

Pinangunahan ng Earth Island Institute Asia-Pacific (EIIAP) katuwang ang AgroecologyX (AgroX), ang aktibidad ay naglunsad ng isang community kitchen na nagsilbing plataporma ng pagkakaisa at pagtutulungan.

Sa pamamagitan ng sama-samang pagluluto, pagbabahagi ng kaalaman, at pakikipag-ugnayan sa mga sektor ng komunidad, binigyang-diin ng mga kalahok ang kahalagahan ng lokal na produksyon ng pagkain, agroekolohiya, at karapatan sa sapat at masustansyang pagkain. 

Ayon sa EIIAP, ang naturang inisyatiba ay hindi lamang tugon sa lumalalang hamon ng kagutuman, kundi isang hakbang tungo sa makatarungan at sustenableng sistema ng pagkain. Tampok sa programa ang mga talakayan, demonstrasyon sa pagluluto, at pagbabahagi ng mga kuwento mula sa mga magsasaka, kabataan, at tagapagtaguyod ng kalikasan. (Ulat ni MITCH C. SANTOS)

Leave a comment