Suportado ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panawagan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na dagdagan ang pondo para sa Integrated Disaster Shelter Assistance Program (IDSAP) upang matulungan ang mga pamilyang nasiraan ng bahay dahil sa mga sunod-sunod na kalamidad.
Sa Senate briefing ng ahensya para sa panukalang 2026 budget nitong October 15, sinabi ng DHSUD na humingi ito ng P4 bilyon para sa programa pero P412 milyon lang ang inaprubahan sa National Expenditure Program.
Sa ilalim ng IDSAP, tumatanggap ng P10,000 ang mga pamilyang bahagyang nasira ang tahanan at P30,000 naman kung totally damaged.
Ayon kay Cayetano, nananatiling pinakamahinang bahagi ng disaster response ng Pilipinas ang rehabilitasyon.
Giit niya, kailangang palaging may kasunod na maayos na rehabilitasyon ang relief efforts.
“Medyo magaling na tayo sa relief but medyo mabagal talaga tayo sa rehabilitation,” sabi niya. “In fact, ‘pag may nangyaring bagong kalamidad, nakakalimutan na natin y’ung dati.”
Bilang pang-matagalanag solusyon, muling nanawagan si Cayetano na magtatag ng Emergency Response Department na tututok lamang sa disaster response at rehabilitasyon para masigurong may pananagutan at tuloy-tuloy ang pagtugon ng gobyerno sa mga sakuna.
“Kailangan po ng isang departamento na walang ibang ginagawa kundi relief at rehab,” ani Cayetano. “Ang kalamidad po ba, ang sunog, ang bagyo, ang lindol, eto po ba ay tumitigil? Hindi. Pero ang mga departamento, hilong-hilo na rin sa kaka-multitasking.”
Kasabay nito, hinikayat din ng senador ang pamahalaan na tiyakin ang transparency at efficiency sa paggamit ng pondo ng IDSAP at iba pang disaster-related programs upang siguraduhing napupunta ito sa mga tunay na biktima ng kalamidad.
“We need a department na may isang natuturo, may isang pong accountable, at isa pong nakatutok talaga d’yan,” dagdag niya. (PR)


Leave a comment