OLONGAPO CITY —Pormal nang binuksan sa pamamagitan ng ribbon cutting ceremony at guided tour sa mga obraang makulay ang Pagsibol Art Exhibit sa Hotel Bella Monte, sa Barrio Barretto, Olongapo cIty noong Sabado, Oktubre 11, 2025.
Tampok sa naturang exhibit ang mga likhang sining na sumasalamin sa temang “pag-usbong”—isang malikhaing pagdiriwang ng kalikasan, kultura, at komunidad.
Sa naturang proyekto, ipinamalas ng mga lokal na artista ang kanilang galing sa pagpinta, mixed media, at likhang sining na gumagamit ng natural na materyales—lahat ay nagpapahayag ng koneksyon ng sining sa kapaligiran at lokal na identidad.
Bukod sa exhibit, nagkaroon din ng mga workshop at talakayan na bukas sa publiko, na layong palalimin ang pag-unawa sa sining bilang kasangkapan sa adbokasiya at lokal na pagkakakilanlan.
Ayon sa I- Pilipino, Sining Layag at Common Grounds, ang exhibit ay bukas mula Oktubre 11 hanggang Oktubre 18, 2025.
Ang Pagsibol Art Exhibit ay naging tagpuan ng sining, kultura, at komunidad—isang patunay na sa gitna ng pagbabago, patuloy ang pag-usbong ng malikhaing diwa ng mga Pilipino.
Sa kabilang banda, mahigpit naman na ipinatupad ang mga alituntunin sa exhibit tulad ng paggalang sa mga likhang sining, pag-iwas sa flash photography, at pagsunod sa itinakdang landas ng paglalakbay sa loob ng venue. Para sa mga kalahok gaya ng merchants at lecturers, ipinatupad ang Clean As You Go (CLAYGO) policy, at binigyang-diin ang house rules upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lahat. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment