ZAMBALES— Pormal nang nagtapos ngayong Biyernes ang 2025 Provincial CBMS Convention and Data Festival na ginanap sa Travelers Hotel, Subic Bay Freeport zone mula Oktubre 9 hanggang 10.
Sa temang “Ready, STAT, Go!”, layunin ng pagtitipon na palakasin ang kakayahan ng mga lokal na pamahalaan sa paggamit ng datos para sa mas matatag, mabilis, at handang komunidad.
Sa huling araw ng aktibidad, binigyang-diin ng mga tagapagsalita ang kahalagahan ng Community-Based Monitoring System (CBMS) sa pagpaplano, pagbibigay-serbisyo, at pagtugon sa mga pangangailangan ng mamamayan.
“Ang datos ay hindi lamang numero—ito ay salamin ng buhay ng bawat Pilipino. Sa pamamagitan ng CBMS, mas nagiging makabuluhan ang ating mga desisyon,” pahayag ni Zambales Provincial Planning and Development Officer Emmanuel C. Adaoag.
“Sa panahon ng krisis, ang mabilis at tamang datos ang susi sa epektibong aksyon. Sa CBMS, binibigyan natin ng tinig ang mga komunidad,” saad naman ni PSA RSSO III Statistical Specialist Jonh Rey T. Diay, sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng programa.
Bukod sa mga talakayan, tampok din sa huling araw ang presentasyon ng mga best practices mula sa iba’t ibang bayan sa Zambales, pati na ang pagpapakilala ng mga bagong digital tools para sa data collection at analysis.
Sa pagtatapos ng festival, nanawagan ang mga organizer sa patuloy na pakikipagtulungan ng mga LGU, civil society, at akademya upang mapalawak pa ang paggamit ng CBMS sa buong rehiyon. (Ulat para sa Ang Pahayagn / MITCH C. SANTOS)


Leave a comment