Ang Pahayagan

Pag-atake sa mga mamamahayag sa rally inalmahan

Tinuligsa ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) ang insidente kung saan isang broadcast journalist ang ini-ulat na nasugatan gayundin ang umano’y harassment na dinanas ng isa pang mamamahayag nitong Linggo, Setyembre 21, alinsabay sa demonstrasyon laban sa katiwalian sa Maynila.

“This incident highlights the urgent need to protect journalists, whose work is essential in ensuring the public’s right to accurate and timely information,” saad sa statement na inilabas ni PTFOMS Executive Director Jose Torres Jr.

Nangyari ang mga insidente nang magsagupa ang mga nagpoprotesta at mga kapulisan sa Ayala Bridge at sa Mendiola malapit sa Palasyo ng Malacañang. Kabilang iniulat ang tinamaan ng projectiles sa gitna ng kaguluhan ang DZBB reporter na si Manny Vargas sa Ayala Bridge.

Nauna rito iniulat din ng PTFOMS ang panggigipit na naranasan ng reporter ng News 5 na si Gary de Leon, na sinigawan at inatake umano ng grupo ng mga demonstrador habang nasa live coverage sa Mendiola sa Maynila.

Ayon sa ulat, si De Leon ay sinigawan ng mga kabastusan at akusasyon habang nagla- live broadcast at tinangka din umano harangan ang kanyang camera at pisikal na pinagtulakan habang isagawa ang kanyang tungkulin sa pamamahayag.

“No journalist should ever be subjected to intimidation, threats, or obstruction while performing their duty to deliver truthful and timely information to the public,” pagdidiin ni Torres Jr.

Sa isang hiwalay na ulat naman ay nakaranas ng harassment mula sa kapulisan ang wire stringer photographer na si Zedrich Xylak Madrid na nakaranas ng panunulak at panghahablot mula kagawad ng pulisya.

Ang kasama nito na si Lisa Marie David na wire news agency contributor, ay nakaranas din na ipagtulakan umano ng isang pulis gamit ang riot shield upang pigilan na kumuha ng litrato ng mga kaganapan. (Ulat para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment