Ang Pahayagan

Protesta ng mga militanteng grupo kontra korapsyon

PAMPANGA – Nag-piket ang mga kaanib ng Bagong Alyansang Makabayan – Central Luzon (BAYAN-CL), sa harap ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Huwebes, Setyembre 18 sa City of San Fernando, Pampanga.

Ang protesta ay paunang aksyon upang tuligsain ang anila’y talamak at lantarang katiwalian, sobrang presyo ng mga proyekto, at pork-barrel scheme ng DPWH na ninanakawan ng bilyon-bilyon ang mamamayan, habang ang mga pangunahing serbisyo ay nananatiling napapabayaan.

“Habang nagpapakasasa sa kickbak at kurakot ang DPWH at rehimen ni Marcos Jr., patuloy namang naghihirap ang mamamayan. Dapat panagutin at singilin ang lahat ng sangkot hanggang sa pinakapuno,” ani Florentino Viuya, Chairman ng BAYAN-CL.

Pagkatapos ng aksyon sa DPWH, magmamartsa ang grupo para makiisa sa ecumenical mass at people’s rally sa San Fernando Cathedral.

Sa kaugnay na ulat, inihayag naman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) ang paglahok ng kanilang samahan sa gaganaping protesta sa Luneta sa araw ng Linggo, Setyembre 21.

Layon anila ng kanilang paglahok na ipanawagan na panagutin ang mga opisyal ng gobyerno, mga kontratista, at mga korporasyon na responsable sa pandarambong sa kaban ng bayan at likas na yaman.

Sinabi ng grupo ng mga mangingisda na bukod sa mga ‘depekto at maanomalyang’ flood control projects, ang iba pang “profit-driven and environmentally-destructive” projects tulad ng reclamation at seabed quarrying ay nagdulot ng hindi maibabalik na pinsala sa kapaligiran at likas na yaman, at nagpalala sa epekto ng mga bagyo.

“Hindi lamang ang mga itinayong palyadong flood control ang dapat na imbestigahan, malaking salik din ng pagbaha ang mga proyektong sumisira sa kalikasan tulad ng reklamasyon at dredging. Napatunayan na ito sa maraming pag-aaral na isinagawa ng mga eksperto,” pagdidiin ni PAMALAKAYA National Chairperson Fernando Hicap. (Ulat para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment