TARLAC– Nagsagawa ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3 (BFAR 3) ng Skills Training on Hito (Catfish) Production para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Camiling Municipal Jail sa Camiling, Tarlac, bilang bahagi ng kanilang programa para sa rehabilitasyon at pagbibigay-kabuhayan.
Ang aktibidad ay isinagawa katuwang ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) – Camiling Municipal Jail na naglalayong maturuan ang mga PDL ng praktikal na kasanayan at sustainable livelihood upang sila ay maging handa at produktibo pagbalik nila sa lipunan.
Sa pagsasanay, tinuruan ang mga kalahok ng tamang pamamaraan ng pag-aalaga at produksyon ng hito – mula sa pag-aalaga ng fingerlings, wastong pagpapakain, hanggang sa pangangalaga ng kanilang palaisdaan. Layon nitong magbigay ng alternatibong kabuhayan na maaari nilang magamit upang masuportahan ang kanilang pamilya.
Ayon sa pamunuan ng BJMP Camiling, ang nasabing pagsasanay ay malaking hakbang tungo sa pagbibigay pag-asa at pagbabagong direksiyon sa buhay ng mga PDL. Sa kasalukuyan, may kabuuang 69 PDL – 63 kalalakihan at 6 na kababaihan – ang nasa kanilang pangangalaga, na pawang nakibahagi at nakinabang sa inisyatiba.
Ipinahayag ng BFAR 3 ang kanilang suporta sa ganitong mga programa na hindi lamang nakatuon sa pangingisda kundi pati na rin sa pagbibigay ng kaalaman, oportunidad, at kabuhayan para sa mga sektor na nangangailangan.
📸 BFAR Gitnang Luzon


Leave a comment