Ang Pahayagan

Malacañang inatasan ang DENR na tingnan ang nagaganap na dredging operation sa Zambales

ZAMBALES– Hiniling ng Malacañang sa kalihim ng Deparment of Environment and Natural Resources na tingnan ang mga nagaganap na dredging operation sa lalawigang Zambales.

Ang naturang kahilingan na may petsang Agosto 18 ay ipinadala ni Deputy Executive Secretary Naella Bainto Aguinaldo ng Office of the Deputy Executive Secretary for General Administration para kay DENR Secretary Raphael Perpetou M. Lotilla.

Nakasaad sa liham ang kahilingan ng Zambales Ecological Network Inc., na pag-repeal ng DENR sa Administrative Order No. 13, Series of 2019 at suspensyon sa dredging operation na isinasagawa sa Bucao River, Maloma River at Sto. Toas River sa Zambales.

Nauna rito, isang liham na may petsang Agosto 8, 2025, ang ipinadala ng ng Zambales Ecological Network Inc na  humiling ng isang Executive Order (EO) mula sa Pangulo upang ipawalang-bisa ang DENR Administrative Order No. 13.

Giit ng grupo, ang dredging ay nagdudulot ng panganib sa kalikasan, kabuhayan, at kaligtasan ng mga komunidad.

Hinihikayat din nila ang DENR na magsumite ng rekomendasyon sa Tanggapan ng Pangulo, kalakip ang draft ng EO at kaugnay na dokumento, alinsunod sa mga patakaran ng “complete staff work” sa ilalim ng Memorandum Circular Nos. 72 (s. 2019), (s. 2022), at 21 (s. 2023). 

“Please note that this letter should not, in any way, be construed as interceding in favor of any requesting party. This is for the purpose of forwarding only the copy of the request received by this Office, for your office’s evaluation in accordance with existing laws, rules and regulations,” saad pa sa liham ni Aguinaldo.

Nasa larawan ang nakahilerang dredging ships sa karagatan malapit sa dalampasigan ng San Felipe, Zambales. (Ulat at larawan para sa Ang Pahayagan / MITCH C. SANTOS)

Leave a comment