Ang Pahayagan

Tabing-ilog na dating lugar ng mga informal-settler ginawang Eco Park

BATAAN– Natapos na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang 290-linear-meter green space sa tabi ng Talisay River, na sumasaklaw sa Barangay Talisay at Bagumbayan sa Balanga City, Bataan.

Ang proyekto na naisakatuparan sa pamamagitan ng Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) – Dinalupihan, ay bahagi ng Manila Bay Rehabilitation Program na naglalayong mabawi ang mga legal easement areas upang magamit bilang recreational at ecological areas para sa mga komunidad.

Sa pagpapatupad ng naturang green space project, nakapaloob rito ang Liquid Waste Management, kung saan regular na sinusubaybayan ng Environmental Management Bureau (EMB) ang Ilog Talisay upang matiyak na ang kalidad ng tubig ay naayon sa mga itinakdang pamantayan.

Mayroon ritong 13 trash traps upang makuha ang basura sa ilog at masinop na maitabi ng mga lokal na River Rangers.

Ang 216 informal settler families naman na nagmula rito ay nilipat sa isang housing project sa Barangay Tenejero, na nasa ilalim ng pangangasiwa ng City Government of Balanga.

Ang bagong parke ay nagtatampok ng amenities tulad ng mga konkretong upuan, plant boxes, solar lighting at natatamnan ng iba’t-ibang halaman ang paligid.

Kabilang sa mga karagdagang pagpapaunlad pa rito ay ang paglalagay ng bamboo gate at perimeter fence, mga nakapaso na namumulaklak na halaman, mga basurahan, at mga babasahing-materyal na pang-impormasyon, pang-edukasyon, at komunikasyon.

Ayon sa CENRO Dinalupihan, kasalukuyang hinihintay pa ang final design proposal mula sa City Engineering Office ng LGU Balanga para sa Phase 2 ng proyekto.

📸 DENR Central Luzon

Leave a comment