Ang Pahayagan

BAYAN-GITNANG LUZON, NAKIISA SA PROTESTA SA SONA

Nagtipon ang mga progresibong grupo sa Gitnang Luzon upang ipahayag umano ang kanilang pagtutol sa administrasyong Marcos Jr., alinsabay sa State of the Nation Address (SONA) ngayong Lunes ng hapon, Hulyo 28, 2025.

Ayon sa isang statement ng Bagong Alyansang Makabayan – Gitnang Luzon (BAYAN-GL), tampok rito ang kanilang protest art na sumasalamin sa umano’y mapanupil at maka-dayuhang pamahalaan.

Sa demonstrasyon ay ipinarada ang effigy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may dalawang mukha, ang isa anila ay may mapanlinlang na ngiti na simbolo ng panloloko ng pamahalaan; ang ikalawa’y sirang anyo na nagpapakita ng marahas na pamumuno at pagpapailalim sa kapangyarihang dayuhan.

May kasama din na imahe ni U.S. President Donald Trump na may dalang mga missile na sumisimbulo naman ng agresyong militar at imperyalistang interes sa rehiyon.

Ayon sa BAYAN-Gitnang Luzon, ang mga ipinakitang sining ay hindi lamang palamuti kundi sandata umano nila sapagkilos at pahayag ng galit ng bayan.

 “Tuloy ang laban. Hindi kami papayag sa pamahalaang sunud-sunuran sa dayuhan, pasista, at mapagsamantala,” pahayag ng grupo, (Ulat para sa Ang Pahayagan ni MITCH C. SANTOS / 📸 Kenneth Guda)

Leave a comment