Ang Pahayagan

P1.69 B ng imprastraktura nasira sa Zambales dulot ng pagbahang dala ng habagat

ZAMBALES– Umabot sa P1.69 bilyong halaga ng slope protection infrastructure ang nasira dahilan sa pananalasa ng habagat na dala ng mga nagdaang bagyong Dante at Emong sa lalawigang ito sa nakalipas na mga araw.

Ayon sa mga kinalap na ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) district offices, karamihan sa mga nasirang istruktura ay mga river flood control structures na puno pa rin ng deposito ng lahar sa mga katimugang bayan ng San Antonio, San Felipe, at San Narciso.

Nabatid kay Zambales Provincial Engineer Domingo Mariano na mahigpit na binabantayan ng provincial engineering team at local government units ang sitwasyon sa lahar-silted waterways tulad ng Maculcol River at Pamatawan River, dahil kapag ganap na masira ang mga dike rito ay maaaring magdulot ng mas matinding pagbaha sa mga kabayanan sa paligid nito.

Ang bayan ng San Felipe ang may pinakamalaking pinsala sa imprastraktura na nasa P1 bilyon matapos na sirain ng malalaking alon ang seawall sa kahabaan ng coastal road sa Sitio Tektek sa Barangay Sindol.

Ang mga dike naman sa mga ilog sa Santa Cruz, Candelaria, Masinloc, at Cabangan sa hilagang Zambales ay bumigay dahil sa mga pag-apaw ng mga ilog at sapa, ayon pa sa DPWH. (Ulat para sa Ang Pahayagan ni JUN DUMAGUING / Larawan mula sa PDRRMO Zambales)

Leave a comment