BATAAN– Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang dalawang mangingisda sa karagatan ng Orion, Bataan, ngayong Lunes, Hulyo 7, 2025.
Ayon kay CGS Bataan Station Commander Michael John Encina, ang operasyon ay kasunod ng ulat hinggil sa pagkawala noong Hulyo 6, 2025 ng dalawang mangingisda na huling nakitang nagpapatakbo ng kanilang motorized banca sa Pilar, Bataan.
Bandang 9:45AM nitong Lunes nang mamataan ng mga tripulante ng BRP Boracay (FPB-2401) ang dalawang nawawalang mangingisda na nakahawak sa halos nakalubog na nilang sasakyang pangisda, humigit-kumulang 4.7 nautical miles hilagang-silangan sa silangan ng Orion, Bataan.
Matapos makuha ang mga ito ay agad na tumuloy ang 24-meter PCG fast patrol boat sa Port of Capinpin sa Orion kung saan naka-antabay na ang mga miyembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at kaanak ng mga mangingisda.
Ginawaran ang mga ito ng agarang medikal na atensyon at dinala sa Rural Health Unit (RHU) para sa karagdagang pagsusuri.
πΈ PCG


Leave a comment