Ang Pahayagan

Automated harvester vessel at technology training para sa mga mangingisda ng Zambales

ZAMBALES—Planong bumili ang pamahalaang panlalawigan dito ng isang automated harvester vessel na may kasamang mga ancillary boat para sa mga lokal na mangingisda upang palakasin ang kanilang kapasidad sa gitna ng kaganapang geopolitical sa West Philippine Sea (WPS).

Sinabi ni Gobernador Hermogenes Ebdane Jr. na layunin ng pamahalaang panlalawigan na simulan ang modernisasyon ng lokal na industriya ng pangingisda sa pamamagitan ng 96-feet long, steel-hulled harvester boat na ipinares sa dalawang reinforced fiberglass lightboats at isang service boat sa ilalim ng programang tulong na pinasimulan ng Zambales Maritime Development Council (ZMDC).

Ang mga barko ay gagawin ng Stoneworks Specialist International Corp. sa General Trias, Cavite, ang pinakamalaking tagagawa ng fiberglass boat sa bansa, na gumagawa din ng mga tugboat, barge, at iba pang customized na sasakyang-dagat.

Ang mga ito ay igagawad sa mga miyembro ng Zambales Provincial Fishery Association, ang pederasyon ng mga grupo ng mangingisda ng lalawigan.

Habang hinihintay na ma-deliver ang mga bagong sasakyang pandagat ngayong taon, sasailalim muna ang mga lokal na mangingisda sa pagsasanay sa mga modernong operasyon ng barko sa ilalim ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) sa bayan ng San Narciso.

Binigyang-diin ni Ebdane na ang training component ng fisherfolk assistance program ay mahalaga sa pagkuha ng mga bagong sasakyang pandagat.

“Learning new technology and developing new skills is necessary for our fishermen to be competitive. They need to adapt in order to survive and thrive,” pagdidiin pa ng gobernador.

Ang mga maliliit na mangingisda ng San Miguel sa San Antonio na pinigilang pumalaot sa kabila ng magandang panahon dahil naman sa ginaganap na live fire exercise sa karagatan na bahagi ng Balikatan Exercises sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas.

Ipinunto ni Ebdane na habang ang sitwasyon ng WPS ay may socio-economic, political, at security implications, ang kapakanan ng mga lokal na mangingisda ang dapat na pangunahing pagtuonan ng pansin.

Kasalukuyang mayroon nang dalawang grupo ng mga mangingisda ang nakatapos na ng pagsasanay sa ilalim ng PMMA at mas maraming grupo pa ang inaasahang susunod.

Sa pagsasanay ay inihahanda ang mga mangingiisda sa pagpapatakbo ng modernong sasakyang pangisda na automated, mayroong computerized boom at power block.

“Bago sa amin ‘yan—wala pang bakal na bangkang pangisda dito sa Zambales, at pati ang mga instrumento ay computerized na. Kaya kailangan talagang pag-aralan namin kung paano gamitin ito,” saad ni Leonardo Cuaresma, presidente ng New Masinloc Fishermen’s Association, isa sa mga grupo sa ilalim ng provincial fisherfolk federation.

Sinabi rin ni Cuaresma na ang mga maliliit na mangingisda ng payao ay nasasabik sa posibilidad na gumamit ng isang komersyal na bangkang pangisda, dahil inaasahan nilang tataas din ang kanilang produktibidad.

“P’wedeng ang pederasyon na mismo ang magsimbada, at hindi na kailangang magbayad pa kami sa may mga lantsa,” saad pa ni Cuaresma.

Ang mga mangingisda sa Calapandayan, Subic habang naghahandang pumalaot sa West Philippine Sea. (Larawan para sa Ang Pahayagan / JUN DUMAGUING)

Leave a comment