Ang Pahayagan

700K halaga ng kush naharang sa Port of Clark

CLARK FREEPORT ZONE — Binigo ng mga awtoridad ang tangkang smuggling ng humigit-kumulang sa Php708,000.00 halaga ng 472 gramo ng umano’y kush o high-grade marijuana sa isang interdiction operation sa Port of Clark sa Pampanga noong Hulyo 3, 2025.

Ayon sa naantalang ulat mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)- Clark, ang naturang parcel ay nagmula sa Michigan, USA, at idineklarang “Sasstie Reading Pillows for Sitting in Bed Adult.”

Nabatid na ang package na naglalaman ng umano’y iligal na droga ay dumating sa Port of Clark noong Hunyo 30 at na-detect sa routine customs examination at X-ray scan, saad pa sa report ng PDEA Clark.

Ang mga nakumpiskang droga ay isusumite sa laboratoryo ng PDEA RO3 para sa forensic examination at karagdagang kumpirmasyon.

Ang matagumpay na operasyon ng interdiction ay collaborative effort ng PDEA Clark International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (CRK IADITG), Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, NBI Pampanga District Office, at PNP Aviation Security Unit.

📸 PDEA Region 3

Leave a comment