Pinag-utos ng Department of Agriculture (DA) na pigilin ang 59 na shipping containers sa Subic Bay Freeport dahil sa hinalang “misdeclared” o posibleng smuggling ng mga produktong agrikultural tulad ng sariwang sibuyas at frozen na isda.
Pormal na hiniling ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa Bureau of Customs (BOC) na suspindihin ang pagpapalabas ng naturang mga kargamento habang nakabinbin pa ang imbestigasyon at mapigilan ang mga ilegal na produkto na makalusot sa mga lokal na pamilihan.
Nangako si Tiu Laurel Jr. nang mas agresibong aksyon ng gobyerno laban sa mga umano’y ismugler ng produktong agrikultura at nagbanta rin ito kanyang ipaaresto ang ilan sa mga ito bago matapos ang 2025.
“Under the new Anti-Agricultural Economic Sabotage (AGES) Law, we can pursue not just consignees, but customs brokers, transporters, sellers and buyers. Smuggling is no longer a victimless crime–we are going after the entire supply chain,” saad ni Tiu Laurel sa isang ambush interview habang nag-iinspeksyon ng mga nasakoteng smuggled products sa Port of Manila.
“Talagang hahabulin natin sila at kailangang may makita tayong nakaposas sana,” pagdidiin pa ng Kalihim.
Mahigit PHP34 milyong halaga ng smuggled frozen mackerel, gayundin ang pula at puting sibuyas mula sa China, sa loob ng anim na 40-foot container ang nakumpiska nitong Martes sa Manila port habang 59 pang container ang naka-hold naman sa Subic port sa Zambales dahil sa hinalang naglalaman din ito ng mga smuggled agricultural products.
📸 FIle


Leave a comment