Ang Pahayagan

Lumulutang na droga sa karagatan ng Hilagang Luzon, nadagdagan pa —PCG

ILOCOS SUR–Nadagdagan pa ang mga narekober na ilegal na droga mula sa karagatan ng Pangasinan at Ilocos Sur sa nakalipas na ilang araw matapos na dalawang sako na naglalaman ng shabu ang itinurn-over ng mga lokal na mangingisda mula Sta. Cruz, Ilocos Sur, ayon sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Coast Guard.

Hiwalay pa ito sa nauna nang nasa pag-iingat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na kabuuang ₱3,997,040,000 halaga ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, na isinurender ng mga lokal na mangingisda mula sa baybayin ng Pangasinan nitong nakalipas na Hunyo 5 hanggang 6, 2025.

Napag-alaman na magkakapareho ng packaging ng mga kontrabando na nakuha mula sa lalawigan ng Pangasinan at Ilocos Sur.

Ayon kay Captain Mark Larsen Mariano ng Coast Guard District Northwestern Luzon kapuri-puri aniya ang pagbabantay at integridad ng mga local fishing community na patunay na hindi lamang sila katuwang sa pag-iingat sa yamang dagat kundi kasama sa paglaban sa krimen.

Ang pagiging tapat at mabilis na aksyon din aniya ng mga lokal na mangingisda ang dahilan kung bakit hindi nakaabot sa mga komunidsd ang bilyun-bilyong pisong halaga ng iligal na droga na posibleng makasira pa sa buhay ng milyun-milyong Pilipino.

Noong Mayo 29, 2025, isinuko rin sa mga awtoridad ang ₱1,514,054,000 halaga ng lumulutang na shabu na natagpuan ng mga mangingisda sa Bataan sa karagatan ng Masinloc, Zambales.

📸: PCG

Leave a comment