Ang Pahayagan

Suspek sa pagpatay sa dalawang pulis Bulacan, dedo sa engkwentro

PAMPANGA — Napatay sa isang engkwentro ang pangunahing suspek sa pagpatay sa dalawang pulis ng Bocaue, Bulacan matapos ang halos tatlong buwang pagtugis ng mga awtoridad.

Naganap ang armadong engkwentro sa Zone 7, Barangay Bacagan, Baggao, Cagayan, ganap na alas-12:40 ng tanghali nitong Miyerkules, June 4, 2025.

Kinilala ang suspek na si Edison Bayumbon y Malubay, alyas “Xander,” na nahaharap sa kasong double murder kaugnay ng pagpaslang kina PSSg Dennis G. Cudiamat at PSSg Gian George N. Dela Cruz, kapwa miyembro ng Bocaue Municipal Police Station, noong Marso 8, 2025.

Sa gitna ng operasyon, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at sumigaw ng “Hindi ako magpapahuli nang buhay!” bago pinaputukan ang mga operatiba. Dahil dito, napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang isang Glock pistol na may serial number na PNP50742, na positibong kinilalang pagmamay-ari ni PSSg Cudiamat. Batay sa imbestigasyon, kinuha ito ng suspek matapos niyang barilin si Cudiamat sa insidente ng pamamaril noong Marso 8, 2025.

Ayon sa pahayag ni PBGen Jean S. Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3, ang insidenteng ito aniya ay nagpapakita ng buong pusong dedikasyon ng kapulisan sa pagtugon sa panawagan ng Pangulo para sa mabilis na hustisya at mas ligtas na lipunan.

“Nakamtan na ang hustisya para kina PSSg Cudiamat at PSSg Dela Cruz at para na rin sa kanilang mga naiwang pamilya. Sa lahat ng operatibang lumahok sa operasyon, saludo kami sa inyong katapangan at dedikasyon. Alinsunod sa direktiba ng ating mahal na Pangulo Ferdinand Marcos Jr., sama-sama nating gawing ligtas ang ating mga komunidad at patuloy na paigtingin ang seguridad sa buong bansa,” ani Fajardo.

Leave a comment